MANILA, Philippines - Magiging mas makulay at makabuluhan ang Pasko ng mga taga-Maynila ngayong taon sa paglulunsad ng Sulong Manila 2015, ang pinakamalaki at kauna-unahang 3D video mapping projection pyro/laser lights musical na gaganapin sa kahabaan ng pamosong Roxas Boulevard sa bisperas ng Bagong Taon, December 31.
Literal na magliliyab ang gabi at ang buong kalangitan sa proyektong ito ng Mare Foundation na suportado ng city government ng Maynila, sa pangunguna ni dating Pangulo at ngayo’y Mayor Joseph “Erap” Estrada dahil sa makukulay na display ng bonggang laser lights at iba’t ibang klase ng paputok sa saliw ng mga sikat na kantang pang-Pasko.
Bukod dito, magkakaroon din ng kasing-saya at kasing-kulay na pre-event activity sa Rajah Soliman Plaza, Malate, mula December 24 hanggang 30. Ang gabi-gabing skit ay tatampukan din ng 3D video mapping projection na tatagal ng sampung minuto.
Mapapanood dito ang nakaka-inspire na kuwento ng isang pamilyang maghahatid ng pambihirang mensahe na pang-Pasko.
Ang Sulong Manila 2015 Countdown ay hatid ng ICTSI at Manila North Harbor. Si dating Senadora Loi Ejercito ang chairman ng Mare Foundation, isang non-stock, non-profit, non-government organization na tumutulong at sumusuporta sa mga pangangailangan ng underprivileged na Pilipino sa buong bansa.