MANILA, Philippines - Magbibigay-inspirasyon sa mga manonood ng Maalaala Mo Kaya ang award-winning child actress na si Xyriel Manabat na gaganap bilang dalagitang nananatiling positibo sa buhay sa kabila ng pagkakaroon ng progeria, isang pambihirang sakit kung saan mabilis na tumatanda ang katawan ng isang bata kaya naman sa murang edad ay animo’y matanda na at nangungulubot ang balat nito.
Nagsimulang mabago ang buhay ni Rochelle nang matuklasan ang kanyang sakit noong siya ay limang taong gulang at binigyan ng taning ng kanyang doktor na mabubuhay hanggang 15 taong gulang. Tanggap ang katotohanang maiksi lang ang itatagal niya sa mundo, nagpasya si Rochelle na mamuhay nang masaya at maranasan ang mga pinagdaraanan ng mga normal na ka-edad niya, kabilang ang pagmamahal.
Magiging susi ba ang pag-ibig upang higit na lumaban sa buhay, o ito ba ang magdudulot sa kanya ng mas matinding sakit?
Kasama rin sa upcoming episode ng MMK ngayong Sabado (Disyembre 20) sina Paul Salas, Aiko Melendez, Dang Cruz, Maggie Dela Riva, Ian De Leon, Eva Darren, Crispin Pineda, Paolo Angeles, Ishmael Claverio, Carlo Lacana, Andrei Garcia, at JM Ibañez as Angeline. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Mae Cruz- Alviar at panulat nina Mary Rose Colindres at Arah Jell Badayos.