Malalalim ang dahilan kung bakit at paano bumaklas sa kanyang bisyo ang isang nagkakaedad nang aktres. Aminado naman siya na lahat na yata ng klase ng bisyo ay sinubukan na niya pero sumentro siya sa isang uri ng bisyong hindi lang nakasisira ng katawan kundi pati utak ng gumagamit nito.
Wala na halos natira sa kanilang mga kagamitan sa bahay. Kapag umiiskor siya ay nagbebenta siya ng plantsa, bentilador, washing machine at iba pang mga gamit sa bahay na mapagkukunan niya ng pambili ng droga.
Talagang nalulong siya, meron na siyang giyang, hindi na puwedeng dumaan ang isang araw na hindi siya gumagamit ng drogang nakapagpapalimot daw sa kanyang mga problema.
Wala nang magawa ang kanyang mga kaibigan, pumapasok-lumalabas lang sa magkabila niyang tenga ang mga payo at pagmamalasakit ng kanyang mga kasamahan sa trabaho, napakamiserable na ng buhay nilang mag-iina.
Pero isang araw ay isang malakas na pagkauntog sa pader ng katotohanan ang nangyari. Umuwi ang kanyang mga anak na nagugutom, nag-aaral ang kanyang mga anak, pero kani-kanyang asikaso na lang sa kanilang mga sarili ang kanilang ginagawa dahil hindi na nga halos mapakinabangan ang kanilang ina dahil sa droga.
Wala nang pagkain ay wala pang mga pinggan. Ibinenta na rin ng kanilang nanay ang maliliit nilang kagamitan sa kusina. Pati mga baso at platito ay wala na rin dahil ipinampalit ng droga ng kanilang ina.
Nagsisigaw ang anak niyang lalaki, “Kung ayaw n’yong magpaawat sa pagda-drugs, sige, umiskor kayo ngayon, tirahin natin nang sabay-sabay! Mag-jamming tayo ng mga kapatid ko!
“Saan kayo bumibili ng droga, sasama kami, sabay-sabay na lang tayong magpakalulong! Wala kayong kaawa-awa sa amin, anong klaseng magulang kayo?” sunud-sunod na sigaw ng anak na lalaki ng aktres
Nagpa-rehab siya, nagsikap na makabaklas sa droga, ngayon ay masaya na ang kanyang mga anak at unti-unti na siyang nakapagbabagong buhay.
Robin parang sakit na ang pagkamaginoo!
Pagdating sa pagiging maginoo ay maraming kakain ng alikabok kumpara kay Robin Padilla. Junior lang ng action star si Derek Ramsay, magmamano kay Binoe ang hunk actor, dahil siya ang orihinal na maginoo sa lahat ng aspeto ng buhay.
Halos lahat ng kanyang nakakatambal sa pelikula ay nagsasabing para silang reyna kung ituring ni Robin, napakamaasikaso niya, ramdam na ramdam ang respeto niya sa mga kababaihan.
Kahit sa kanyang mga katrabaho sa Talentadong Pinoy ay buung-buo ang imahe ng pagkamarespeto ni Robin Padilla, kung puwede lang sanang lahat ng staff ay maging katrabaho niya, dahil parang sakit nang lumalaganap ang pagkamaginoo niya sa set.
Minsan nang nawala sa sirkulasyon ang action star, dala ng kanyang kabataan ay nasangkot siya sa mga kasong nalampasan niya naman pagkatapos mapiit nang ilang taon, pero ang nakagugulat ay ang dalawang-kamay na pagtanggap uli sa kanya ng publiko sa kanyang pagbabalik.
Ganu’n talaga ang nangyayari sa mga taong may iniwan, meron silang babalikan, walang pagdududang pagkakatiwalaan uli sila ng ating mga kababayan.
“Sa set ng Talentadong Pinoy, masasaya ang staff and crew. Walang tension, walang pressure ang pagtatrabaho, mabait kasi ang host namin. Hindi niya ihinihiwalay ang sarili niya sa amin, pantay-pantay lang kami,” papuri kay Robin ng isang cameraman na nagkataong anak-anakan din namin.