MANILA, Philippines – Lakas ng loob ang naging puhunan ni Vedie Delos Reyes, isang dating shoeshine boy, na ngayon ay nagmamay-ari na ng isang leather goods factory. Paano niya naabot ang tagumpay?
Panoorin bukas (Dec 17) ang My Puhunan, na pinangungunahan ni Karen Davila upang makilala at matunghayan ang kwento ng pag-asenso si Vedie.
Bata pa lamang ay nakahiligan na ni Vedie ang pagguhit ng iba’t ibang drawings ng mga bag at sapatos sa kanyang notebook bilang paraan upang makatakas kahit sandali sa hirap ng buhay.
Pampito siya sa walong anak, at lumaki siyang isang lata lang ng sardinas ang pinagsasaluhan ng kanilang buong pamilya araw-araw. Nagtrabaho siya bilang isang shoeshine boy sa pelengke at factory worker habang nag-aaral mula high school at kolehiyo.
Nagbunga ang hilig sa pagguhit ni Vedie nang maging designer siya para sa isang sikat na leather company. Ngunit dumating ang tunay na pag-asenso sa kanyang buhay nang maglakas-loob siyang magtayo ng sarili niyang negosyo.
Hindi pa man nakakatapos sa kolehiyo, nagdesisyon si Vedie na itayo ang “Vedasto Leather Goods.” Sa puhunang P500, bumili siya ng dalawang pirasong balat ng kambing at dalawang bote ng pangkulay. “And the rest is history,” ika nga.
Tutukan na ang katuwang ng Pilipino sa pagsisimula at tagumpay, ang My Puhunan ngayong Miyerkules (Dec 17), 4:30 p.m. sa ABS-CBN.