‘Nakaraos sa hamon’

Mailalagay ko na sa aking credentials na minsan sa buhay ko ay nakakanta ako kasama ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra sa pamamatnugot ni Maestro Gerald Salonga. Hindi ako singer pero tinanggap ko ang hamon ng Kapamilya Network na kumanta at mapakinggan ng mga kasamahan ko sa panulat sa Christmas Media Party na hinost nila nung Lunes ng gabi,  Nerve wrecking ‘yun, at halos wala akong makita sa nerbyos nang umakyat ako sa stage ng Dolphy Theater para kantahin  ang isang  portion ng The Christmas Song kasama ang entertainment editor ng Inquirer na si Emmie Velarde at Letty Celi Reyes ng Pang Masa (PM).  Hindi halos ako makalakad at hindi ko mabasa ang teleprompter. Pero, hindi na ‘yun ang mahalaga kundi ang pang­yayaring natapos ko ang bahagi ko ng kanta ng maayos at hindi nakakahiya. Hindi ang kanta ko ang ipinagmamalaki ko kundi ang kagalingan ng mga kasama kong nag-perform at pinalakpakan. Tulad nina Noel Orsal, Allan Diones, Pilar Mateo, Rey Pumaloy, Leo Bukas, Dominic Rhea, Allan Policarpio, Eugene Asis at ilang mga bloggers na ipagpaumanhin  nila ay hindi ko pa kabisado ang mga pangalan nila.

Hindi man ganun kalaki at karami ang mga perang ipina-raffle, hindi na mahalaga kundi ang layunin ng Network na makapagpasalamat sa mga bumubuo ng media  sa isang taon nilang pagsasama-sama at mai­bahagi sa kanila ang diwa ng Pasko.

Sa ABS-CBN, maraming salamat at maligayang Pasko rin.

Pops susugalan din si Alex Gonzaga

Pinangatawanan na ni Pops Fer­nandez ang pagiging concert produ­cer. Talagang inayawan na niya ang TV ng itinuturing pa ring Concert Queen. Halos magkasunod ang Celestine concert na itinampok si Toni Gonzaga na sinundan ng  The Penthouse Live…Reunion Concert nila ni Martin Nievera. Sa ngayon ay nag-iisip pa ng mga bagong konsepto si Pops bago sumabak muli sa concert production. At ang sabi, si Alex Gonzaga naman ang susugalan niya sa concert.

Andre ‘nanghihingi’ ng mga lumang cellphone

I’m sure proud si Benjie Paras sa unti-unting pag-angat ng pangalan  ng dalawa niyang anak kay Jackie Forster na sina Andre at Kobe Paras. Bagaman at siguradong gusto rin ni Benjie na mag-excel sa basketball si Andre, hindi na masama ang kinahihinatnan ng career nito sa showbiz. Unti-unti na itong tinatanggap bilang artista at napakalakas ng telerserye ng GMA sa hapon na kung saan siya ay kabilang, ang The Half Sisters.

Ang maganda sa batang Paras ay ang kagustuhan nitong mapalapit sa tao at mapagaling ang kanyang akting. Believable na silang tandem ni Barbie Forteza kahit ang laki ng agwat ng height nila. Ibig sabihin lang pwede na siyang maging effective sa ibang kapareha. Ang tila disadvantage lamang niya ay ang pagiging sobrang pogi niya. Baka hindi siya pumwedeng maging mahirap ang role.

Bilang endorser ng Globe, hinihikayat ni Andre ang may mga lumang model ng cell phone na baka sira o hindi na nila ginagamit. Maaari nilang i-donate o ibalik sa kumpanya ang mga ito para maayos at mai-recycle. Kapag maayos na ang mga ito ay ipag­bibili nilang muli at ang proceeds sa mapagbebentahan ay gagamitin sa pag-aaral ng mga nanganga­ilangan.

Show comments