MANILA, Philippines - Nominado ang Kapuso star na si Ruru Madrid bilang Best Actor sa 25th Singapore International Film Festival.
Lilipad patungong Singapore si Ruru ngayong linggo para kumatawan sa pelikulang Above the Clouds. Maganda ang naging pagtanggap ng mga manonood sa pelikula, lalo na sa naging pagganap ng Kapuso young actor.
“I’m very excited and really happy for the international recognition. Winning is a bonus, but being nominated is already an honor,” giit ni Ruru. Ani pa niya, malaking karangalan din daw ang hatid nito para sa Pilipinas, dahil nakikilala na ang pelikulang Pilipino sa ibang bansa.
Nag-enjoy naman si Ruru habang ginagawa ang indie film. Nakadagdag sa inspirasyon niya ang magandang tanawin sa Mt. Pulag, pati na rin ang mga kwentuhan nila ng co-actor niyang si Pepe Smith.
Bukod sa pagkakaroon ng mga bagong karanasan, humahakot din ng iba’t-ibang technique si Ruru bilang aktor. Hindi niya nakikitang hadlang ang pagiging baguhan sa industriya, dahil tingin niyang napag-aaralan ang lahat ng bagay.
Ngayon, patuloy pa rin si Ruru sa pagsusumikap na gumaling pa bilang artista. Si Ruru ay runner-up sa overall talent search na Protégé ng GMA-7. Ang naturang palabas ang nagbukas sa kaniya ng maraming pinutan papuntang kasikatan.
At dahil sa humble personality ni Ruru, walang tigil ang pagsuporta at pagmamahal ng mga taong nasa paligid niya. Noong nakaraang December 4, mismong araw ng kanyang kaarawan, nag-post sa Instagram ang kanyang ka-loveteam na si Gabbi Garcia ng picture collage na may kalakip na sweet caption. Napuno ang post ng likes at kilig comments mula sa kanilang mga fans.
Malaking pasasalamat naman ang handog ni Ruru para sa kanyang mga taga-suporta. Kaya naman sa December 21, makikisaya siya kasama ang kanyang mga fans para mag-celebrate at magpasalamat.
Mukhang walang tigil ang mga blessings para kay Ruru, at baka mayroon pang naghihintay sa kanya sa Singapore.