May kaselanan ang kuwentong natalisod namin mula sa isang umpukan. Tungkol ‘yun sa mga dahilan kung bakit natiwalag sa isang malaking samahan ang dalawang male personalities na kilalang-kilala sa kanilang hanay.
Matagal na silang miyembro ng naturang samahan, marami silang kaalyadong mga personalidad na kapareho nila ang paniniwala at pananampalataya, may kahigpitan sa pamamalakad ang kanilang grupo.
Hindi hinuhusgahan ng kanilang samahan ang kanilang mga miyembro sa unang pagkakamali pa lang, ihinaharap ang problema sa isang malaking grupo, kapag sa kanilang panlasa ay lumalabag na ang kanilang miyembro sa kanilang mga alituntunin ay saka pa lang sila itinitiwalag.
Kuwento ng isang source, “Si Male Personality A, marami nang ginagawang saliwa sa kanilang panuntunan ang taong ‘yun. Marami siyang bisyo, nakararating sa mga tagapamuno ang mga ginagawa niya, kaya isang araw, e, nagdesisyon na ang mga heads nila na itiwalag na siya.
“Saliwa kasi sa kanilang mga doktrina ang mga pinaggagagawa ni Male Personality A, hindi siya huwaran, palso na ang mga pinaggagagawa niya at nakararating ‘yun sa mga ehekutibo ng kanilang samahan,” kuwento ng aming impormante.
Si Male Personality A ay isang pamosong singer-performer na dekada na ang binibilang sa mundo ng musika.
Iba naman ang naging dahilan ng pagkakatiwalag ni Male Personality B, pero halos pareho lang sila ni Male Personality A sa pagbibisyo, may kinalaman naman sa mundo ng pulitika ang tunay na dahilan kung bakit tinanggal na siyang miyembro ng samahan.
“Matagal nang umiikot ang mga kuwento na ginagamit niya ang samahan nila para sa ilang transaksiyon sa mga pulitiko. Nu’ng una, e, wala namang ebidensiya, kaya walang ginagawang hakbang ang samahan laban sa kanya.
“Pero nu’ng bandang huli, naglabasan din ang mga pruweba na totoo palang ginagamit niya ang kanilang samahan na milyun-milyon ang miyembro sa sarili niyang kapakanan,” madiing kuwento ng aming source.
Si Male Personality B ay isang magaling na aktor sa kanyang linya. Madalas siyang sumasabit sa mga kontrobersiya.
Ubos!
‘Wag lang maudlot ang salpukan Pacman payag sa lahat ng kondisyon ni Mayweather
Tuloy ang laban! Tinanggap na ni “Boy Daldal” na si Floyd Mayweather, Jr. ang hamon ng kampo ng Pambansang Kamao para sa kanilang makasaysayang sagupaan.
Sabik na sabik na ang mga boxing fans sa buong mundo sa nakatakda nilang paghaharap sa lona sa May 2, 2015! Pero sa kanyang pagpayag ay maraming hinihinging rekotitos si Boy Daldal.
Kung gusto raw ni Congressman Manny Pacquiao na matuloy ang kanilang salpukan ay kailangan daw muna niyang dumaan sa isang masusing drug test. Oo, sabi ni Pacman, walang problema. Drug test kung drug test!
Isa pa. Mas mababa raw ang dapat na matanggap na premyo ni Pacman sa kanilang salpukan dahil dalawang beses siyang natalo sa laban, samantalang ang kartada ni Mayweather ay malinis na malinis, wala pang tumatalo sa kanya.
Sige na rin, pagpayag ng Pambansang Kamao, ibibigay na niya ang hilig ni Boy Daldal para lang matuloy na ang pagsusukatan nila ng lakas sa ring.
Dahil ito ang pinakapinananabikang laban sa mundo ng boxing ay naghahanap na ngayon pa lang ng pinakamalaking venue ang kampo ng promoter na si Bob Arum. At ngayon pa lang ay pag-iipunan na ng mga lulong sa panonood ng boksing nang live ang matindihang laban na ito.
Maraming nagdarasal na sana’y makatikim ng pagkatalo si Floyd Mayweather, Jr. sa kamay ng ipinagmamalaking boksingerong Pinoy na si Pacman!