PIK: Ngayong araw ay eksaktong 28 years old na si Mark Herras at aminado ang kauna-unahang StarStruck Male Ulitmate Survivor na malaki ang nabago sa kanya lalo na’t may baby na siya.
Hindi na raw siya basta-basta papasok sa isang relasyon dahil ang tanging concern niya ay ang kanyang anak.
Isi-celebrate ng Sunday All Stars ang kaarawan ni Mark kung saan magkakaroon siya ng dance reunion sa mga kasamahan niya sa Sayaw Pilipinas.
PAK: Nilinaw ni direk Maryo J. delos Reyes na hindi niya talent si Anton Bernardo na nakapiit pa rin sa Camp Panopio.
Nu’ng early part ng taong ito ay tapos na raw ang kontrata sa kanyang talent management group si Anton at hindi na raw ito na-renew.
Hindi raw niya alam kung ano ang gagawin dahil pawang suspetsa lang naman daw noon na lulong ito sa droga.
“I hope he tries to work o ayusin ang sarili niya, and I wish him the best and I pray for him.
“Sana malagpasan niya ang pagsubok na ito,” pahayag ni direk Maryo.
BOOM: Gamit na ni Liza Diño ang apelyidong Seguerra sa kanyang Instagram account.
Wala silang pakialam ni Aiza Seguerra sa mga nanlalait at kumukuwestiyon sa kanilang relasyon. Ang mahalaga, masaya silang dalawa at masaya ang kanilang pamilya.
Suportado sila ng pamilya at masaya ang kanilang magulang sa kanilang pagpapakasal.
Nagpahayag ng suporta ang ama ni Liza, ang dating barangay Chairman Martin Diño.
Sabi niya: “Alam mo tayong mga magulang ginagawa natin lahat para sa happiness ng mga anak natin.
“Siyempre nu’ng una, normal naman siguro ‘yun sa isang ama. Pero nu’ng nakita ko naman ‘yung happiness ng aking anak, tapos nakita ko naman ang concern ni Aiza at ‘yung concern niya sa apo ko, wala naman sigurong maghahangad ang isang ama kundi ang kaligayahan ng kanyang anak.”
Pati ang ina ni Aiza na si Mommy Caring ay tanggap ang relasyon ng dalawa kahit nu’ng una ay medyo naaalangan din daw siya.
Sabi ni Mommy Caring: “Siyempre meron din tayong agam-agam. Siyempre hindi natin nakalakihan ang ganu’n. Pero ang mga tao paiba-iba, sumusulong, kung ano ‘yung mga naiisip, so join na lang tayo para everybody’s happy.
“Tama naman eh, ang pag-ibig walang pinipiling gender ‘yan.”