Talentadong Pinoy malalaman na

MANILA, Philippines - Maglalaban-laban ang pitong Hall of Famers ng Talentadong Pinoy 2014 ngayong Sabado para sa isang gabi ng showdown kung saan ipapakita nila ang kani-kanilang unique talents upang patunayan na karapat-dapat silang tawaging Ultimate Talentadong Pinoy 2014 at mag-uwi ng P1M cash na grand prize.

Maghaharap sa unang pagkakataon ang pitong Hall of Famers ng longest running talent show sa tele­vision, kung saan sila magpapasiklaban ng kani-kanilang talento. Una na rito ang 17-member group na Tazmania ng Cavite na magpapamalas ng mga bago nilang dance moves na nagpapatunay na sila nga ang tazmanian devils ng dance floor. Muli ring makikita sa stage si Lariza Jane Cabaltierra ng Quezon City, o mas kilala bilang MIZTIQ, na susubukang masungkit ang boto ng audience at ta­lent scouts sa pamamagitan ng kanyang “aerial dancing” talent.

Samantala, ipapamalas naman ng Davaoeño Hall of Famer na si Neil Rey Garcia o Neil – Never Exit in Life ang natatanging niyang galing sa ‘beat bosxing’ habang susubukan niyang talbugan ang iba pang mga kalaban. Sigurado namang mapapamangha ng BMG Wheelchair Dancesport ang mga manonood sa oras na patunayan nila na ang pagsasayaw ay isang talentong nagmumula sa determinasyon at puso.

Mas paiinitin pa ng Talentadong Pinoy 2014 Hall of Famers ng Oriental Mindoro na sina Florendo at Joseph Mayo o Bonfire ang gabi sa pamamagitan ng isang intense na “poi-dance” routine. Titiyakin naman ni Isabel Gonzalez o Amaya ng New Manila na lahat ng tao ay mamamangha sa kanya lalo na kapag ipinakita na niya ang galing nya sa “aerial hoop”.

Hindi rin naman magpapahuli ang Escapade Blazing Color Guards ng Pasig City sa kanilang matinding routine habang sinusubukan nilang makuha ang boto ng mga talent scouts.

Sino sa pitong Hall of Famers na ito ang tatanghalin bilang Ultimate Talentado at mag-uuwi ng P1M na grand prize? Ang  kani-kanilang mga pasabog na talento ay masusing daraan sa panel ng mga talent scouts na binubuo nina Ms. Pilita Corrales, Jaya, Jasmine Curtis-Smith, Richard Gutierrez, Cherie Gil, Gelli de Belen, at Charice.

 Sa pangunguna ni Robin Padilla bilang host, kasama sina Mariel Rodriguez-Padilla at Tuesday Vargas bilang co-hosts, ang Talentadong Pinoy 2014 Grand Finals Night ay mapapanood ngayong Sabado, December 13, 7 p.m. sa TV5.

Show comments