Magandang aktres tumandang hindi pa rin nagbabayad ng utang
Hanggang ngayon ay marami pa ring kuwentong umiikot tungkol sa mga pagkakautang ng isang magandang aktres. Sa isang panahon na ang akala ng marami ay makababayad na siya kundi man makapagbabawas ng kanyang mga obligasyon dahil may nakarelasyon siyang mayaman ay wala rin palang nangyari.
Araw-araw pa ring binubulabog ng mga maniningil ang kanyang opisina, marami pa ring nagpupuntahan sa kanyang bahay para personal siyang singilin, at tulad nang dati ay patuloy ang kanyang pakikipagtaguan sa mga pinagkakautangan niya.
Ang dahilan? Sobrang gumastos ang female personality. Kung piso lang ang kanyang kinikita ay doble nu’n kung gumastos siya. Para siyang butiking yumayakap sa malaking poste na hindi niya naman kaya.
Kuwento ng isang source na palaging nakabantay sa mga pinaggagagawa ng magandang aktres, “Gastadora kasi siya, she spends beyond her means, alam niya naman kung magkano lang ang kinikita niya, pero wala siyang pakialam.
“Mahilig siyang bumiyahe sa ibang bansa. Kapag umaalis siya, kasama niya pa ang sangrekwang alalay niya, kaya ayun, nagkakapatung-patong ang pagkakautang niya.
“Kalat-kalat ang utang niya. Marami siyang inabala. Gasgas na ang suwelas ng sapatos ng mga pinagkakautangan niya, pero wala man lang pakinabang sa ginagawa nilang pagpapagod.
“Magaling kasi siya sa pakikipagtaguan, alam na alam na ng mga tauhan niya kung ano ang sasabihin kapag may maniningil na naghahanap sa kanya. Kundi wala na siya, e, tulog na tulog pa raw, dahil madaling-araw na siyang umuwi,” nanglalaki ang mga matang kuwento ng aming impormante.
Napakaganda pa naman ng aktres na ito, pero hindi kagandahan ang nakasanayan na niyang gawin, kung naipambabayad lang ang kagandahan ay siguradong may sukli pa ang babaeng personalidad na ito sa kabila ng kanyang pagkakaedad.
Very lovely talaga siya, kahit pa may mga apo na siya ngayon, kaya lang ay maraming maniningil ang naiines (read: naiinis-nabubuwisit) sa kanya.
Ubos!
Mga gustong ninong at ninang inayawan sina Aiza at Liza
Sinu-sino kaya ang mga personalidad na tinutukoy ng kampo nina Aiza Seguerra at Liza Diño na nilapitan nila para maging ninong at ninang sa kanilang kasal pero tumanggi?
Bahagi na kasi ng ating kultura ang hindi pagtanggi sa pag-aanak sa kasal at binyag, may kasabihan na nababawasan daw ang pagdating ng biyaya sa mga tumatanggi, pero may mga kinausap pala ang magkarelasyon na bumigo sa kanila.
Ano kaya ang naging dahilan nu’n? Ayaw kaya ng mga ito na maging ninong at ninang sa kasalan ng babae sa kapwa babae? Hindi pa kaya sila handang mag-anak sa ganu’ng klase ng relasyon?
Inanak sa kasal ni Art Atayde sina Aiza at Liza, hindi nagdalawang-salita ang magkarelasyon nang kunin nilang ninong ang mister ni Sylvia Sanchez, bukod sa mag-asawa ay kasama rin nilang lumipad papuntang Amerika ang kanilang dalawang anak na kanila ang gastos sa pamasahe.
Ang katwiran ni Ibyang, bata pa ang kanilang mga anak ni Art ay kaibigan na ng kanilang pamilya si Aiza, mahal nila ang singer kaya hindi tinanggihan ni Art ang pagnininong sa kanyang pagpapakasal kay Liza.
Nakikita rin nina Art at Sylvia na maligaya sina Aiza at Liza sa kanilang pagmamahalan, saksi rin sila sa pagrerespetuhan ng dalawa, kaya kung saan maligaya ang kanilang kaibigan ay masaya na rin sila.
- Latest