Kontrobersiyal na aktres ginagawang parlor ang set

Kung pagiging lukring ang pag-uusapan ay kulang ang maghapon para mailitanya ng mga miron ang kalokahan ng isang kontrobersiyal na aktres. Napakayaman niya du’n.

Marami na raw silang nakakatrabahong artista, may mga child stars nga raw na nasubaybayan nila ang paglaki hanggang sa magkaasawa na, pero nag-iisa lang sa kanyang trono ang lukresyang aktres.

Simulang kuwento ng isang miron, “Saan ka naman makakakita ng artista na ang nakalagay sa callslip, e, sunrise, pero dumarating siya nang sunset na? At ang sinisisi pa niya, e, ang production dahil mali raw ang nakalagay sa callslip niya.

“At pagdating niya sa set, e, parang ang mga pinaghintay pa niya nang siyam-siyam ang dapat mag-sorry sa kanya, nakakaloka siya, ‘di ba naman?

“Siya na nga ang cause of delay, siya pa ang may ganang magsuplada? Siya pa ang akala mo kung sinong makaasta?” napapailing na kuwento ng aming source.

Hindi rin nagpakabog ang isang miron sa umpukan, ang kuwento naman nito, “Siya lang ang artistang nakita ko na ginagawang parlor ang set. Nagsasama siya ng magma-manicure at magpe-pedicure sa kanya.

“Wala siyang pakialam, kahit kailangan na siya sa eksena, e, prenteng-prente lang siya, kasi nga, masisira raw ang nail polish niya kapag sumalang siya na basang-basa pa ang mga kuko niya!” tawa nang tawang kuwento ng isa pang source.

At kapag ayaw na pala niyang magtrabaho ay nagpapaka-best actress ang kontrobersiyal na babae, kukuntsabahin niya ang kanyang PA, para makauwi na sila.

Litanya pa ng isang miron, “Sasabihin niya sa PA niya, ‘Iligpit mo na ang lahat ng mga gamit ko, uuwi na tayo, sasakit ang tiyan ko later.’ Aayusin naman ng PA ang mga stuff niya, isasakay na sa van niya.

“Maya-maya lang, best actress na siya, hawak-hawak na niya ang tiyan niya, masakit na masakit daw, kailangan na niyang umuwi dahil magpapa-check-up siya. May choice ba ang EP? Natural, pack-up na siya kahit pa kailangang-kailangan siya sa mga eksena,” lukang-lukang kuwento ng aming impormante.

Haaaay, naku! Kaya naman pala talagang kinapos na ng pasensiya ang asawa niya sa mga kalokahan niya.

Ubos!

Aiza at Liza ginaya lang ang ginawa ni Desiree del Valle

Hindi pa pinapayagan sa ating kultura ang pagpapakasal ng babae sa kapwa babae o lalaki sa kapwa lalaki. Hindi pa ‘yun ginagawang legal, hindi papayag ang batas ng simbahan, kaya ang mga kababayan nating gustong dumaan sa ganu’ng proseso ay sa ibang bansa nagpapalitan ng “I do’s.”

Naalala namin na ganu’n din ang ginawa nu’n ni Desiree del Valle, kaya lang ay naging masaklap ang kinauwian nila ng kanyang non-showbiz partner, matinding away ang namagitan sa kanila na pinagpistahan nang todo-todo.

Napabalita ring nagpakasal sa ibang bansa ang isang actress-singer sa kanyang musical director na berdaderong tibo, pero idinedenay naman ‘yun ng female personality, puro kuwentong wala raw namang kuwenta ang tungkol du’n.

At ang pinakahuli ngang nagpakasal sa ibang bansa ay sina Aiza Seguerra at Liza Diño. Ang kampeon ng Little Miss Philippines ng Eat Bulaga ay pamilyado na, nangangarap pang magkaanak, at maligayang-maligaya ngayon sa kanyang reyna.

Tanong ng isang kaibigan, bakit daw parang napakahirap bitiwan ng salitang “best wishes” para sa mga nagpapakasal na may magkaparehong kasarian? Parang hindi pa nga naman tayo handa sa mga ganu’ng kalakaran.

Iba ang batas kesa sa sinusunod na pamatayan ng pakikipagrelasyon. Sa batas ng pag-ibig, kung saan ka masaya ay dumoon ka, kung sino ang nagpapaligaya sa iyo ay ipaglaban mo.

Show comments