Juday pinakawalan ang Feng Shui!

Idea ni Chito Roño ang kuwento ng Feng Shui na isinulat niya, ten years ago, nang magkasunod na mamatay ang kanyang mga magulang.

Sa madaling-salita, epekto ng pagluluksa ni Chito ang Feng Shui na naging blockbuster movie noong 2004 at may karugtong na kasali sa Metro Manila Film Festival 2014.

Unang inialok kay Judy Ann Santos ang Feng Shui pero hindi ito tinanggap ng kanyang manager na si Alfie Lorenzo.

Napunta kay Kris Aquino ang project and the rest is history. Nagpapasalamat si Kris kay Alfie dahil sa pagtanggi nito.

Ayaw sabihin ni Chito na sequel ang Feng Shui 2 dahil para sa kanya, pagpapatuloy ng kuwento ang first movie team up nina Kris at Coco Martin. Ang Feng Shui ang kauna-unahang horror movie ni Coco.

Bimby pinag-absent ni Kris para matapos na ang shooting

Absent kahapon sa school si Bimby Aquino Yap dahil may shooting siya para sa Praybeyt Benjamin 2.

Dapat nang tapusin ang shooting ng filmfest entry nina Bimby at Vice Ganda kaya hindi na pinapasok ni Kris sa school ang kanyang anak.

Ang Praybeyt Benjamin 2 ang second MMFF movie ni Bimby na introducing noong 2013 sa My Little Bossings.

Pacman mahilig magpa-raffle

Ngayon ang Christmas party for the entertainment press ng GMA 7.

Looking forward ang entertainment writers sa annual Christmas party ng Kapuso Network dahil literal na bumabaha ang raffle prizes.

Every year, nagbibigay si Congressman Manny Pacquiao ng mga premyo para sa raffle draw at dahil winner siya sa recent fight nila ni Chris Algieri, kaya tiyak na ipagpapatuloy niya ang nakaugalian na tradisyon. Isa si Papa Manny sa mga generous contract star ng Kapuso Network.

Fully booked...

Fully booked ang schedule ko ngayon dahil invited ako sa tatlong showbiz events.

Excited ako sa pagkikita namin ngayon ng isang sikat na male singer na favorite ko. May OPM sa akin ang singer at gustong-gusto ko nang matanggap ang kanyang Christmas gift.

Pops hindi nahihiyang magbenta ng concert tickets

May reminder si Pops Fernandez, bukas na ang The Penthouse... Live Reunion na itatanghal sa PICC Plenary Hall.

Personal ang pag-aasikaso ni Pops sa concert na tatampukan  nila nina Martin Nievera at Nanette Inventor dahil siya ang produ.

Masipag na concert producer si Pops. Namana niya ang husay sa negosyo ng kanyang nanay na si Dulce Lukban.

Successful ang mga project ni Pops dahil siya mismo ang nagbebenta ng tickets sa kanyang rich friends at mga kakilala. Hindi nahihiya si Pops na magbenta ng tickets dahil de-kalibre ang lahat ng mga project niya as in enjoy ang manonood at walang umuuwi na malungkot.

Take note, very supportive si Pops sa mga Pinoy talent. Mas gusto niya na mag-produce ng mga concert para sa mga Filipino singer kesa mga foreign artist. Ganyan kalaki ang tiwala at pagmamahal ni Pops sa mga Pinoy entertainer.

Makulay na buhay ni GMA Chairman and CEO Felipe Gozon nasa libro na

Wish ko na magkaroon ng kopya ng autobiography book ni GMA Chairman and CEO Atty. Felipe “Henry” L. Gozon.

Si Papa Henry ang dahilan kaya naging number one television network ang GMA 7.

Mababasa sa autobiography book ni Papa Henry ang mga pinagdaanan niya bago siya naging abogado at big boss ng Kapuso Network. Sa interbyu kay Papa Henry, sinabi nito na makulay ang kanyang buhay kaya kailangan na magkaroon ako ng kopya ng libro niya with matching autograph.

Show comments