Kahit pa tawasin ngayon nang maraming beses ang isang negosyante ay hinding-hindi na ito makikipag-ex-deal sa isang female personality. Taas na ang kayang dalawang kamay. Suko na ang businesswoman.
Nagkakilala sila ng babaeng personalidad sa isang party, nagkakuwentuhan sila, hanggang sa magkapalitan ng cell phone number. Hanggang sa tumawag na ang female personality sa nananahimik na negosyante.
Kuwento ng aming source ay ang female personality ang nangumbinse sa businesswoman na magtransaksiyon sila. Ang negosyante ang magbibigay ng mga isusuot ng female personality sa kanyang show at bilang ganti ay ipo-promote naman ng babaeng personalidad ang shop ng negosyante.
“Pero hindi naman ‘yun nangyayari, paminsan-minsan lang niya binabanggit ang shop. Wala siyang pagkukusa. Minsang napasasalamatan niya ang shop, mas madalas na hindi, kaya tinatabangan sa kanya ang businesswoman,” kuwento ng aming impormante.
Ang ikinaloka pa nang todo ng negosyante ay ang paraan ng pagkuha ng stocks ng babaeng personalidad sa kanyang shop. Parang meron din daw siyang sinusuplayang tindahan sa sobrang dami.
“Grabe ang babaeng ‘yun! Masyado siyang mapagsamantala! Napakarami niyang kinukuhang stuff sa shop, nagtitinda rin kaya siya? Kahit hindi kasya sa kanya, get lang siya nang get, parang kabuhayan showcase na yata niya ang ganu’n!
“Kaya tumigil na ang businesswoman, wala naman kasing naitutulong ang female personality sa negosyo niya, naubos lang ang mga paninda niya! Kunsabagay, hindi na bago ito sa babaeng ‘yun. Mahilig talaga siya sa libre.
“Nag-asawa siya, libre ang reception, nanganak siya, ex-deal din sa isang kilalang hospital. Kaya bago pa ba naman ang ginawa niya sa businesswoman?” nakataas pa ang kilay na kuwento ng aming source.
Ubos!
Pamilya ni Sen. Bong araw-araw na sa Crame
Kung dati’y kumpleto ang pamilya Revilla tuwing Linggo nang tanghali sa PNP Custodial Center, ngayon ay nandu’n na sila araw-araw, alam nila kung gaano kalungkot ngayon si Senador Bong Revilla dahil sa pagkakabasura ng hiling niyang pagpipiyansa.
Maaga pa lang ay nasa Crame na ang asawa at mga anak ni Senador Bong, nandu’n na rin ang kanyang mga kapatid at pamangkin, sama-sama silang nakikinig sa mga makabuluhang salita ng Diyos mula sa naiimbitahang pastor.
Ayon kina Rowena, Princess, at Andeng ay nagpapasalamat na rin sila dahil nang dumating ang ganitong pagkabigo sa kanilang kapatid ay matibay na ang pananampalataya ng senador.
“Parang inihanda na siya, masakit man, para bang naging magaan na para sa kanya ang pagtanggap, dahil prepared na siya spiritually,” sabi ni Rowena.
Ipinaliwanag nila sa kanilang ama na mas mapapadalas sila ngayon sa Crame kesa sa Imus. Kailangan nilang bigyan ng lakas ng loob si Senador Bong, hindi biro ang mga nangyayari sa kanya, pati ang staff ni Senador Bong sa Senado ay madalas ding nasa PNP Custodial Center ngayon.
Nandu’n si Jodi Santamaria nu’ng Linggo, napakapayat ng aktres, hindi namin ito nakilala kundi pa inginuso sa amin ni Vice-Governor Jolo Revilla na nababawasan na rin nang malaki ang timbang ngayon.
Patuloy ang pagkalat ng balita na ililipat daw sa Bicutan si Senador Bong. Sana nga ay walang basehan at katotohanan ang kuwento dahil sobra-sobra na ‘yun kung tutuusin para sa isang taong pinagbibintangan pa lang ay pinarurusahan na.