MANILA, Philippines - Humakot ng 38 na parangal ang ABS-CBN sa Anak TV Awards kamakailan para sa mga programa nitong ligtas panoorin ng mga bata at mga personalidad ng nagsisilbing magandang huwaran.
Iginawad ang Anak TV Seal sa 18 Kapamilya programs na mabusising pinagbotohan ng jurors na kinabibilangan ng mga magulang, guro, negosyante, miyembro ng media, gobyerno, NGO, religious sector, at mga kabataan.
Namayagpag sa listahan ng mga pinarangalan ng Anak TV Seal ang regional programs ng ABS-CBN na Agri tayo Dito, Bayanijuan, Bida Kapampangan, MagTV Na Amiga–Bacolod, MagTV Na–Cebu, MagTV Na De Aton Este–Zamboanga, MagTV Na Atin To–Baguio, MagTV Na Ato Ni–Cagayan de Oro, MagTV Na Magnegosyo Ta–Davao, MagTV Na Oragon–Naga, at Marhay Na Aga Kapamilya.
Panalo rin ang current affairs shows na Matanglawin, Mutya Ng Masa, My Puhunan, at Salamat Dok, pati na ang Wansapanataym.
Samantala, 20 Kapamilya talents naman ang iniluklok bilang Makabata Stars, isang pagkilala sa mga pinakahinahangaang personalidad sa local TV dahil sa pagiging magandang ehemplo sa kabataan na pinagbotohan ng mahigit sa 12,000 na propesyunal. Pinangunahan nina Karen Davila at Angel Locsin na kapwa nailuklok na sa Hall of Fame ang mga nagwagi bilang Makabata Stars.
Kabilang sa male Makabata Stars sina Boy Abunda, Atom Araullo, Kim Atienza, Noli De Castro, Ted Failon, Enrique Gil, Coco Martin, Vhong Navarro, Daniel Padilla, at Richard Yap.
Nanguna naman ang presidente at CEO ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio sa listahan ng female Makabata Stars, kasama sina Judy Ann Santos Agoncillo, Kathryn Bernardo, Kim Chiu, Anne Curtis, Alex Gonzaga, Toni Gonzaga, at Jodi Sta. Maria.
Ang Anak TV Awards ay taunang iginagawad ng Southeast Asian Foundation for Children and Television para sa mga programa at mga personalidad na ligtas tangkilikin at tularan ng kabataan. Ang awarding ceremony nito ngayong taon ay muling ginanap sa Soka Gakkai Building sa Quezon City.