MANILA, Philippines - Kanya-kanyang ‘drama’ ang mga reporter ng local TV networks sa bagyong Ruby.
Patalbugan sila kung paano lumusong sa baha at mag-report habang malakas ang hangin at basang-basa sa ulan.
Lahat din sila emotional at parang noon lang naka-cover ng malakas na bagyo. ‘Yung isang reporter, may video pa na nilipad ng hangin.
Samantalang ang mga reporter ng CNN na nakatutok sa bagyo sa Samar at Legazpi, walang ganung drama. Parang safe ang mga lugar na kinatatayuan nila habang nagre-report.
Hindi kaya puwedeng ganun din ang mga reporter ng mga TV network natin?
Tulong sa mga sinalanta ng bagyong Ruby dumadagsa na
Marami na naman ang nangangailangan ng tulong dahil sa bagyong Ruby na patuloy na humahagupit sa bansa. At balitang maraming bansa at individual na naman ang willing magbigay. Pero sana naman, lahat ng tulong na tatanggapin ng iba’t ibang organization ay mapunta sa talagang nangangailangan at hindi ‘yung napupunta lang sa kung sino.
Noong bagyong Yolanda, balitang-balitang maraming kumita dahil hindi nga natutukan ang mga donations sa rami nang nagbigay. Marami ring nabulok nu’n at ang mga damit nabasa lang.
Kitang-kita namin sa isang lugar kung saan inimbak ng isang private organization ang mga nakalap nilang mga donasyon. Pero dahil siguro sa rami, hindi na nila naipamigay. Basang-basa na ang mga kahun-kahong damit at ang mga canned good na-expire na lang.
This time sana naman, wag ‘yung basta na lang sila tumanggap ng donasyon. Alalahanin din sana ng mga ibang organization na nangangalap ng tulong, kung paano ‘yun madi-dispose.
Anyway, ngayong araw umano raragasa sa Metro Manila ang bagyong Ruby kaya ingat tayong lahat.
Dragon nagkalat sa Star city
Ang buhay na buhay na malaking dragon at iba pang mga kamangha-manghang nilalang ang pinakabagong attraction sa Star City. Pinagsama-sama sila sa Stardome kung saan gamit ang pinakamodernong paraan ng hologram imaging, makikita ng mga nanonood na parang totoong buhay sa harapan mismo nila ang mga character na kasama sa palabas.
Sa taong ito, tampok sa Stardome ang Heart of the Dragon, isang adventure story na magdadala sa mga nanonood sa itaas ng kalangitan, kasabay ng paglipad ng isang dragon, at sa kailaliman ng tubig kung saan makikita rin ang naglalakihang water creatures kabilang na ang mga pating, ang napakalaking blue whale, isang giant octopus, at naglalakihang jellyfish.
Makikita niyo sa kuwento ang isang Kapitan na nagpapalit-palit ng katauhan sa inyong harapan, at isa sa prinsesa ang mga ito.
In fairness, ito pala ang kauna-unahang hologram attraction sa Pilipinas, gamit ang pinakabagong teknolohiya mula sa Germany. Ilang milyong piso rin daw ang naging puhunan sa naiibang attraction na inaasahan nilang pinakamalaking holiday treat sa lahat ng mga bibisita sa Star City.
Ang Stardome ay bukas araw-araw mula alas-kuwatro ng hapon kung weekdays, at mula alas-dos ng hapon ‘pag weekends.
Malapit na ang Pasko kaya tiyak na mag-uunahan na naman ang mga bata sa pagpunta sa Star City para makakita ng dragon.