MANILA, Philippines – Hindi pa rin natinag sa ratings game ang ABS-CBN noong nakaraang Nobyembre matapos pumalo ang network sa total day average national audience share na 45%, o labing-isang puntos na mas mataas sa 34% ng GMA, base sa datos ng Kantar Media.
Kumapit ang mga Kapamilya sa pagtatapos ng Pure Love noong Nobyembre 14 sa national TV rating na 29.2%, na siya ring pinakamataas na rating na nakuha ng programa simula nang mag-umpisa ito.
Inabangan din ang pagtatapos ng Hawak Kamay noong Nobyembre 21 at pumalo sa national TV rating na 33.5%.
Agad na tinangkilik ang Bagito noong Nobyembre 17 matapos itong makakuha ng national TV rating na 27.2%. Panalo rin ang Dream Dad sa kanyang timeslot sa pilot episode nito noong Nobyembre 24 na nakakuha ng national TV rating na 29%,. Ang Dream Dad din ang numero uno sa listahan ng pinakapinanood na programa sa bansa noong Nobyembre sa average national TV rating nitong 30.1%.
Sa kabuuan, 14 sa top 15 na programa ay mula sa ABS-CBN. Ang iba pang Kapamilya shows sa listahan ay ang The Voice of the Philippines (30%), Maalaala Mo Kaya (29.6%), Forevermore (28.7%), Hawak Kamay (28.4%), TV Patrol (28.3%), Pure Love (26.6%), Bagito (26.5%), Rated K (25.7%), Wansapanataym (25.2%), Home Sweetie Home (24.5%), Mga Kwento ni Marc Logan (22.3%), Two Wives (22%), at Goin’ Bulilit (21.2%).
Matagumpay naman ang pamamaalam ng longest running daytime TV series sa bansa na Be Careful With My Heart noong Nobyembre 28 dahil sa national TV rating nito na 19.6%.
Nagtala ang morning block (6AM-12NN) ng ABS-CBN ng average national audience share na 38%, habang may 34% ang GMA. Pumalo naman sa 41% ang average national audience share nito sa late afternoon block (3PM-6PM) kumpara sa 37% ang GMA.
Fans day ni Kathryn para sa Ruffles Bags nag-trending sa buong mundo
Napatunayan na naman ng Kapamilya aktres na si Kathryn Bernardo ang kanyang kasikatan. Nag-trend sa ika-apat na ranggo ang kanyang bonggang fans day na inisponsor ng Ruffles Bags noong November 23 sa SM North EDSA Sky Dome. Naging ika-limang trending topic naman ito na may 41,000 tweets sa Pilipinas.
Ang nakatutuwa pa rito ay 1,400 na tao ang dumagsa sa SM North sa kasagsagan ng laban ni Manny Pacquiao kay Chris Algieri, na alam naman nating marami ang nanood sa TV.
“To dance is to be out of yourself. Larger, more beautiful, more powerful like our Queen!” sabi ng KathAsianiatics, mga fans ni Kathryn.
Dagdag pa ng isang fan, si Margarette (@bernxarxokathhh), “Super saya kahapon! Sulit talaga!”
Di nawala ang ngiti sa labi ni Kathryn, na bumati sa kanyang mga fans, nagpaunlak ng dalawang kanta, at namigay ng usong usong Ruffles bags sa mga masuwerteng nanood sa kanya. Natapos ang selebrasyon sa pamamagitan ng Ruffles Bags promo, kung saan ang mga bumili ng at least P600 na halaga ng Ruffles Bags ay nagwagi ng tatlong libreng ticket sa Grand Fans’ Day.
Dahil tagumpay ang grand fans’ day, marami pang ihahandog ang Ruffles Bags para kay Kathryn at kanyang mga fans.
2014 MBC National Choral Competition star-studded
Magtatanghal ang ilan sa ating sikat na recording artist sa paglulunsad ng Manila Broadcasting Company at Star City sa 2014 MBC National Choral Competition, na gaganapin sa Aliw Theater.
Si Sarah Caballero ng The Voice Season 2 ang mangunguna sa December 9, kasunod naman si Darren Espanto ng The Voice Kids sa December 10. Si Morisette Amon ang siya namang guest sa December 11, habang ang kampeyon ng Pinoy Pop Superstar na si Jonalyn Viray ang aawit sa December 12. Para sa grand finals ng December 13, aawitin ng kilalang rock band na Aegis ang kanilang hits.
Apatnapu’t apat na batikang choir mula iba’t ibang bahagi ng bansa ang magtatagisan para sa kampeonato ng MBC National Choral Competition. P150,000 ang nakalaan sa magwawagi sa open category, at P100,000 naman para sa children’s division.
Suportado ang MBC choral competition ng Globe Telecom, Columbia Candies, Shell, M.Lhuillier, Hapee Toothpaste, Speed Detergent, Coca Cola, Jollibee, at ang Philippine Choral Directors Association.
Magkakaroon din ng mga Friendship Concerts sa Grand Atrium ng Shangri-La Plaza Mall sa December 11-12.
Para sa karagdagan kaalaman, tumawag sa telepono bilang 555-3477, 832-6125, o tignan sa Facebook ang official page ng MBC National Choral Competitions.