Hindi gaanong nagtagal si MMDA Chairman at concurrent over-all chairman ng Metro Manila Film Festival Executive Committee na si Atty. Francis Tolentino sa press conference para sa ika-40 taon ng MMFF na ginanap sa Sampaguita Gardens in Quezon City last December 4 ng gabi. Napag-alaman namin na ito’y ipinatawag umano sa Malacañang ni Pangulong Noynoy Aquino.
Hindi na nakuhang umupo at kumain pa ni Chairman Tolentino at kailangan itong umalis agad at hindi na rin nito nahintay pa ang pagsisimula ng programa.
Ang kapansin-pansin lamang Salve A., hindi dumalo ang mga major stars ng walong kalahok na pelikula sa MMFF liban kay Robin Padilla na siyang bida ng pelikulang Bonifacio: Ang Unang Pangulo at iilan lang din sa mga producer ang nakarating – sina Mother Lily Monteverde ng Regal Films na siyang producer ng Shake, Rattle & Roll XV at si Atty. Joji Alonzo ng Quantum Films na siya namang producer ng English Only, Please.
Napakahalaga ng nasabing press conference na ipinatawag ni Chairman Tolentino, pero hindi ito pinahalagahan ng ibang producers at major stars ng mga pelikulang kalahok.
Ang walong kalahok sa 2014 MMFF ay ang Bonifacio: Ang Unang Pangulo na tinatampukan nina Robin Padilla, Vina Morales, Daniel Padilla, at Jasmine Curtis; English Only, Please na tinatampukan nina Derek Ramsay at Jennylyn Mercado; Feng Shui 2 nina Kris Aquino at Coco Martin; Kubot: The Aswang Chronicles 2 nina Dingdong Dantes at Isabelle Daza; Magnum Muslim .357 nina E.R. Ejercito at Sam Pinto; My Big Bossing nina Vic Sotto, Ryzza Mae Dizon, at Marian Rivera; Praybeyt Benjamin 2 nina Vice Ganda, Richard Yap, at Bimby Aquino Yap, Shake, Rattle & Roll XV nina Dennis Trillo, Carla Abellana, Lovi Poe, Erich Gonzales, at JC de Vera.
Kung ang 2013 MMFF ay tumabo ng mahigit isang bilyong piso, the biggest revenue sa kasaysayan ng MMFF, inaasahan na ito’y malalagpasan ng kikitain ng 2014 MMFF.
Dingdong ’di na makaka-attend ng awards night
Ilang araw na lamang ang bibilangin at maisasakatuparan na ang inaabangang Wedding of the Year ng Kapuso Primetime King and Queen na sina Dindong Dantes at Marian Rivera.
Dalawampung pares ang tatayong principal sponsors na pangungunahan ng respective managers ng ikakasal - sina Antonio Tuviera kay Marian at Perry Lansigan kay Dingdong. Since parehong may magkahiwalay na movie sina Dingdong at Marian na kalahok sa MMFF, inaasahan pa rin silang dalawa na sasali sa Parada ng mga Artista on December 23. Si Dingdong ang bida at isa sa mga co-producer ng Kubot: The Aswang Chronicles 2 at si Marian naman ay leading lady ni Bossing Vic sa Taktak episode ng My Big Bossing pero walang kasiguraduhan kung sila’y makakadalo pa sa Gabi ng Parangal ng MMFF on December 27 na gaganapin naman sa PICC Plenary Hall.