MANILA, Philippines - Wala pa rin palang ina-appoint na bagong chairman ng Optical Media Board (OMB) matapos na suspendihin si Mr. Ronnie Ricketts ng Ombudsman at Malacañang dahil sa umano’y kasong neglect of duty at graft and corruption.
Sino na kaya ang magbabantay sa mga pelikulang ipalalabas sa Metro Manila Film Festival (MMFF)? Karaniwang tinututukan ng OMB ang panahon ng MMFF dahil kung mapipirata nga naman agad ang mga pelikulang kasali, tiyak na mababawasan na ang mga manonood sa sinehan.
Ang bilis pa naman ng mga pirata sa ganyan lalo na nga’t alam nilang maraming nag-aabang. ‘Yun ngang laban ni Manny Pacquiao kay Chris Algieri napirata agad. Oras lang ang pagitan, ibinibenta na agad sa Quiapo area.
Ang babantayan mo lang naman diyan ay ‘yung pelikulang tiyak na tatabo sa takilya sa Pasko.
Wait natin baka bago mag-Pasko ay mag-appoint ang Malacañang.
Marian apat-apat ang wedding gown na isinuot
Ang ganda ni Marian Rivera sa cover ng Preview Magazine for December/January issue.
Apat na wedding gown na gawa ng iba-ibang designer ang suot ni Marian sa cover. Sadly, hindi pa niya maipakita ang susuuting gown na gawa ng international Pinoy designer na si Michael Cinco dahil may pamahiin yatang hindi puwedeng makita ng groom ang gown, sa kasal na nila mismo ito makikita ni Dingdong Dantes.
Anyway, season finale na this Saturday ng musical show ni Marian. At aaper ang kanyang magiging mister.
“Mixed ‘yung emotions ko. Una sa lahat napamahal sa akin ang Marian,’ yung staff and crew especially the dancers dahil nakita ko ‘yung effort nila. Hindi biro talaga ang ginagawa nila tuwing may taping ang Marian. Talagang na-appreciate ko kung gaano nila binubuhos ang pagmamahal nila sa pagsasayaw. Nakakalungkot dahil matatapos ‘to pero masaya ako dahil looking forward ako sa panibagong yugto ng buhay ko,” sabi ni Marian sa previous interview tungkol sa pagbabu ng kanyang programa.
Pero pasabog pa rin ang finale nila dahil merong exclusive and in-depth look sa kanyang Despedida de Soltera sa programa graced by female members of the wedding entourage and families of Dingdong and Marian.
Sa pagtatapos ng programa at least mababawasan ang kanyang pinagkakaabalahan.
Regine patok sa Sultan Kudarat
Naging matagumpay ang kauna-unahang regional event ng GMA Network sa Isulan, Sultan Kudarat, kung saan libu-libong supporters ang lubos na pinasaya at pinatawa ng stars mula sa Kapuso Network, sa pangunguna ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid.
Apat na free shows ang itinanghal ng Regional TV team sa Sultan Kudarat Sports and Cultural Center kasabay ng pagdiriwang ng taunang Kalimudan Festival.
Unang naghatid ng sorpresa sa mga Mindanaoan ang aktor na si Gabby Eigenmann na pinaunlakan ang coronation night ng Mutya ng Sultan Kudarat noong Nobyembre 18. Bongga ang kanyang pagpapakilig dahil sa nasabing beauty contest ay hinarana niya ang mga naggagandahang kalahok.
Samantala, ang Bet ng Bayan host na si Alden Richards na kamakailan lamang ay lumipad sa Vietnam para sa Hanoi International Film Festival, ay nakisaya naman noong Nobyembre 19 sa pamamagitan ng isang Kapuso Fiesta. Dito ay nakasama niya ang GMA leading ladies na sina Louise delos Reyes at Max Collins na kapwa na-overwhelm sa mainit na pagtanggap sa kanila ng humigit-kumulang 12,000 katao.
Si Regine na host din ng Bet ng Bayan at ng Sarap Diva naman ang bumida noong Nobyembre 20 sa isang Kapuso Fans’ Day. Todo ang hiyawan at tilian ng tinatayang 10,000 fans nang kanilang makita at makasalamuha ang iniidolo nilang music icon.
Nakisali rin sa Kapuso Night ang StarStruck alumni na sina Mark Herras at Dion Ignacio, kasama ang mga aktres na sina Kylie Padilla at Rochelle Pangilinan. Tuwang-tuwa ang apat ng GMA talents dahil na-experience nila ang makulay na pista ng Kalimudan noong Nobyembre 21.
“We are very happy for a fruitful partnership with the province of Sultan Kudarat. It was exciting for us to bring the Kapuso brand of entertainment to such a beautiful place like Sultan Kudarat. This was our first time to join the Kalimudan Festival and we were overwhelmed by the thousands of Sultan Kudarateños who welcomed us in all our activities,” pahayag ni Oliver Amoroso, AVP ng GMA Regional TV at Head ng Regional Strategy and Business Development Division.