MANILA, Philippines - Magagawa mo bang baguhin ang iyong buhay at kasarian para lang matupad ang huling hiling ng iyong ama?
Ngayong Sabado sa Magpakailanman, kilalanin ang lalaki… na naging babae… na bumalik sa pagiging lalaki, para lang maibigay ang natitirang hiling ng kaniyang ama. Siya si Mark Marzo.
Babae ang tingin ni Mark sa sarili niya, at tanggap ito ng kanyang pamilya. Kaya naman nang pumunta si Mark ng Japan at bumalik ng Pilipinas bilang si Maria, walang nagtaka. Walang umalma.
Habang isang babae, nakilala ni Mark ang lalaking kanyang iibigin , si Miko. Ngunit habang isa ring ganap na babae ay hihingin sa kanya ng kaniyang ama ang isang imposibleng bagay: ang mag-anak ito ng apo para sa kanya bago siya mamatay.
Dahil sa kanyang pagmamahal sa ama, gagawin ni Mark ang lahat para tuparin ang pangarap nito. Ihahanda niya ang sarili para sa isang reverse sex change operation, kahit na maaaring malagay sa alanganin ang kanyang buhay at ang kanyang pag-ibig.
Magagawa nga ba ni Mark tuparin ang pinapangarap ng kanyang ama? Ano ang mangyayari sa kanilang pagsasama ni Miko? At saan siya hahanap ng babaeng papayag magpabuntis sa isang transgender na tulad niya?
Sa huling handog ng Magpakailanman para sa kanilang anniversary month, samahan si Ms. Mel Tiangco, kasama sina Paolo Contis at Glaiza de Castro sa kanilang pagsasabuhay ng isang kuwento tungkol sa isang naiibang pag-ibig: walang tinatanggihan, walang tinatalikuran, walang hangganan--mula Pilipinas, hanggang Japan, at pabalik ng Pilipinas.
Mula sa direksyon ni Bb. Joyce Bernal, huwag palagpasin ang Magpakailanman – Ang Babaeng Ama: The Mark Marzo Story ngayong Sabado (November 29) pagkatapos ng Pepito Manaloto, Ang Tunay na Kuwento sa GMA7.