MANILA, Philippines - Hindi man gaanong active sa social media, particularly sa Facebook si Sarah Geronimo, almost 8 million na ang likes sa kanyang FB fan page.
Fans and Viva ang administrator na nag-a-update ng nasabing account ni Sarah, pero grabe talaga ang following. Samantalang ‘yung ibang artista na konting kilos lang ay naka-post na ang ginagawa sa kanilang social media account, hindi pa halos nakaka-1 million.
Samantalang si Sarah, ni hindi personal na nagpo-post. So hindi talaga basehan na active ka sa social media para magkaroon ka ng followers. Kahit hindi ka aktibo, kung talagang marami kang fans, walang duda na maraming magpa-follow sa ‘yo.
Samantala, tiyak na lalong na-in love si Matteo Guidicelli sa girlfriend sa bagong music video nito ng latest single na Kilometro na napanood online noong Thursday night.
Ganda-ganda ni Sarah sa nasabing music video. Alam mo talagang in love ha. Bukod pa ‘yan sa ang galing niya ring sumayaw.
Ang kantang Kilometro ay kasama sa all-original album ni Sarah na Perfectly Imperfect.
Sa December 6 naman ay mapapanood na ang version niya ng kantang The Glow, theme song ng Princess franchise ng Disney Channel.
Pacquiao vs. Algieri sa GMA, waging-wagi rin sa rating
Tumutok ang buong bayan sa mahusay na pagdepensa ng Eight Division World Champion Manny Pacquiao sa kanyang WBO World Welterweight title laban kay Chris Algieri base sa mataas na ratings ng free TV airing ng laban sa GMA7.
Ito ay ayon sa datos ng Nielsen TV Audience Measurement.
Ang laban, na tinaguriang Pacquiao vs. Algieri: Hungry for Glory at ipinalabas via satellite mula sa Macau noong Linggo ay nagtala ng 44.4% household rating sa National Urban Philippines (NUTAM) at tinalo ang lahat ng katapat.
Waging-wagi rin ang airing ng laban sa Urban Visayas kung saan nakakuha ito ng 44.5% household rating.
Buong-buo rin ang suporta ng mga taga-Urban Mindanao para sa Filipino boxing hero na kitang kita sa mataas na 46.8% household rating.
Samantala, mapapanood pa rin si Pacquiao sa kanyang programa sa GMA, ang MP Sport Science tuwing una at ikatlong Linggo ng bawat buwan sa GMA Sunday Night Box Office (SNBO).
Kababaang loob ni Pope Francis inspirasyon ni Jamie
Inilunsad na ng Star Music ang special Papal visit album na We Are All God’s Children kung saan tampok ang official theme song ng pinakahihintay na pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas sa Enero 2015.
Ang kantang We Are All God’s Children ay sinulat at inawit ng multi-awarded Inspirational Diva na si Jamie Rivera at nilapatan ng musika ni Noel Espenida. Ito ay aprubado ng Vatican City.
Ayon kay Jamie, naging inspirasyon sa pagsulat niya ng kanta ang kababaang-loob ng mismong Santo Papa. Aniya, hangad niyang maipalaganap ang “Mercy and Compassion” na tema ng Papal Visit 2015 sa pamamagitan ng kanyang sinulat.
“Hinihimok ng kanta ang lahat ng anak ng Diyos na iparamdam ang pagmamahal at maging mapagmalasakit sa mga nangangailangan. Dapat tayong tumulong nang masaya at buong pagpapakumbaba,” sabi ni Rivera.
Katulad noong 1995 World Youth Day nang dumalaw sa Maynila si John Paul II, na ngayon ay si St. John Paul II na, ang official theme song para sa 2015 Papal visit ay mayroon ring actions at hand gestures na likha ni Landa Juan.
Bukod sa We Are All God’s Children, inawit rin ni Rivera sa album ang mga kantang Our Dearest Pope, The Mission, at Papa Francisco, Mabuhay Ka.
Ang We Are All God’s Children album ay mabibili na record bars nationwide sa halagang P250.