Ngayon pa lamang ay may nag-aalok na sa maganda at masipag na gobernadora ng Batangas na si Vilma Santos na balikan ang Lipa kapag natapos siya ng kanyang termino bilang gobernador ng buong lalawigan ng Batangas. Malayo pa ang 2016 kaya mas gustong tapusin muna ng gobernadora ang kanyang termino bago pagtuunan ng pansin ang muling pagtakbo.
“Mas gusto kong tapusin ang aking termino nang may magandang record. Gusto kong marinig sa mga Batangueño kapag nakatapos na ako ng aking termino na I served my province well.” paliwanag ng Gobernadora.
Sinabi ni Gob. Vi na kung sakali namang hindi na siya tumakbong muli ay babalikan niya ang showbiz.
Sa ngayon, pinaghahandaan ng gobernadora ang Ala Eh! Festival na magaganap sa Disyembre 1-8, 2014 na ang magsisilbing host ay ang bayan ng Taal sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Michael Montenegro.
Samantala, hindi naman pala inisnab ni Gob.Vilma ang inorganisang Senior Prom Reunion ni Manay Marichu Maceda at mga kasamahan para kay ex-President at current Manila Mayor Joseph Erap Estrada. Naging malaking ispekulasyon at pahulaan sa lahat ng dumalo ang absence ng aktres na isa sa mga naging pangunahing artista nung panahon ng dating pangulo. Ang arch rival niyang si Nora Aunor ay nakadalo kaya mas lalong pinag-usapan ang sinasabing pang-iisnab niya sa event.
“Si Manay Ichu ‘yun. Siya ang halos ay nagpalaki na sa akin, iisnabin ko ba siya? Natatawa na lamang ako dahil wala rin naman si Pip (Tirso Cruz lll), pero si Bobot (Edgar Mortiz) ay nakadalo. Nagkataon lang na kinailangang tapusin ko ang treatment sa aking ilong nung mismong araw na yun kaya hindi ako nakapunta. Kung hindi, baka nagtagal pa ang aking discomfort,” paliwanag niya.
Kapamilya ‘pasabog’ ang regalo
Sino ba ang hindi mai-excite sa tatlong Christmas Special na ginawa ng ABS-CBN at mapapanood kapalit ng Be Careful With My Heart. Tampok sa mga kuwento ang tambalan nina Gerald Anderson at Maja Salvador, at sina KC Concepcion at Paulo Avelino. Para mapagtambal mo ang dalawang real life tandem nina Gerald-Maja at Paulo-KC ay talaga namang maituturing na isang magandang regalo sa mga manonood. Bagong pagsasama ito ng apat na artista na madalas mapag-usapan lamang, pero tumatangging magkasama sa isang proyekto.