Matagal na panahon naming hindi nakausap ang isang taong dating malapit sa isang pamosong aktres. Silang dalawa ang sanggang-dikit nu’n, kahit sa paggawa ng milagro ng aktres ay silang dalawa ang nagkakaalaman, parang librong nabasa na ng aming kausap ang buong buhay ng aktres.
Ang aming source ang makapagpapatotoo kung gaano kagaling “magtrabaho” ang aktres. Meron siyang karelasyon, pero kayang-kaya niyang gumawa ng sideline, walang kaalam-alam ang kanyang boyfriend na nagtatampisaw na sa panandaliang kaligayahan ang babae na iba ang kasiping.
May isang pagkakataon pa nga na pinagsabay niya ang pakikipagrelasyon sa isang kilalang negosyante at sa isang sikat na personalidad.
Nasa isang lugar na kilala sa Pilipinas ang male personality na kilalang-kilala, nagbakasyon din sila du’n ng kanyang boyfriend na negosyante, akalain mong nagtinda siya sa pamosong bakasyunang ‘yun ng tuhog-tuhog?
“Nagpaalam lang siya sandali sa boyfriend niya, mamimili raw siya ng mga pasalubong, pero ang totoo, pinuntahan niya ‘yung sikat na male personality sa isang hotel. Alangan namang nagbasa lang sila ng komiks habang nasa hotel suite nu’ng guy?
“Pagkatapos nilang magmilagro, bumalik na ang girl sa hotel nila ng BF niya. Marami siyang bitbit na pampasalubong, sobrang dami, can afford siyang mag-splurge dahil binigyan siya ng datung ng binisita niyang sikat na male personality sa ibang hotel.
“Ganu’n siya katindi. Siya ang reyna ng para-paraan. Nakakaawa naman ang karelasyon niya ngayon. Sana nga, magpakatino na siya, magseryoso na siya, hindi na siya bumabata at mukhang tototohanin naman siya ng boyfriend niya ngayon.
“Tantanan na niya ang pagsamba sa pera. Tigilan na niya ang paggawa ng milagro, huwag naman sanang magsisi ang boyfriend niya ngayon na milyones na rin ang inilalabas para sa mga granatsa niya,” seryosong sabi ng aming source.
Ubos na ubos!
Kathryn mapagbigay sa fans
Marami kaming naririnig na papuri tungkol kay Kathryn Bernardo, ang kapareha ni Daniel Padilla sa mga programa ng Dos, iba-ibang kuwentong positibo tungkol sa dalaga ang nakararating sa amin.
Minsan ay nakita siya ng mga anak ng kaibigan namin sa airport, lumapit sa kanya ang mga ito para magparetrato, agad daw na ibinigay ni Kathryn ang kanyang bag sa PA niya para maakbayan niya ang magkakapatid.
Ang tanging nasabi ng mga anak ng aming kaibigan, “We love her na, she’s so nice, she’s so simple but beautiful.”
Ang isang komento naman ay mula sa nanood ng taping nila ni Daniel, may mga naglapitan din sa kanya para magparetrato, pinagbigyan din ni Kathryn ang mga ito at tinanong pa kung saan sila nanggaling.
Maging sa Canada ay pinupuri siya ng mga kaibigan namin, wala raw kaartehan si Kathryn at magiliw sa mga fans, siya pa ang lumalapit sa mga tagahangang nahihiyang magpa-picture taking.
Sa dami ng mga kuwento ng kamalditahan ngayon ng mga kabataang artistang hindi pa nga sumisikat ay maitatangi ang pagiging mabait at simple ni Kathryn Bernardo.
Sikat na ay hindi lumalaki ang ulo. May maipagmamalaki na ay nakatanim pa rin ang magkabilang paa sa lupa. Sana’y tularan si Kathryn Bernardo ng kanyang mga kapwa youngstars na nangangarap pa lang pero nauuna na ang kamalditahan.
“Nu’ng tawagin na sila ni DJ sa stage, wala na kaming narinig sa kanta nila, puro sigawan at padyakan na lang ang maririnig sa venue. Ganu’n sila kalakas, saka mababait sila, walang kaarte-arte,” papuri naman ni Rey-Ar Reyes ng Winnipeg, Canada na VP/Creative at Art Director ng Pilipino Express News Magazine.