Pagiging concert queen ni Pops hindi pa rin maagaw
Ang saya-saya ng kuwentuhan namin kahapon nina Pops Fernandez at Martin Nievera sa presscon ng Penthouse Live, Reunion sa Jet7 Bistro sa Timog.
Maraming kuwento ang mag-ex-dyowa tungkol sa kanilang nakaraan pero past is past dahil magkaibigan na sila ngayon.
Malakas ang hatak nina Pops at Martin sa publiko. Basta may mga concert sila, walang mga silya na bakante.
Hindi ako magtataka kung may mga tatawag sa akin sa cellphone at maglalambing na bigyan ko sila ng complimentary tickets para sa concert ng ex-couple sa PICC sa December 12 dahil inaabangan ang reunion ng cast ng Penthouse Live!
Working birthday si Pops sa December 12 dahil ito ang araw ng Penthouse Live concert nila ni Martin.
Si Pops at ang DSL Productions nila ng kanyang nanay na si Dulce Lukban ang producer ng Penthouse Live, Reunion!
Kesehodang birthday niya sa December 12, ito ang pinili na concert date ni Pops dahil malapit ito sa araw ng suweldo at siguradong natanggap na ng concertgoers ang kanilang mga Christmas bonus.
May soft spot sa puso nina Martin at Pops ang Penthouse Live dahil dito nagsimula ang kanilang love affair at bumongga nang husto ang mga showbiz career nila.
Basta may bagong sulpot na singer, bagong dance group o bagong kanta na ipo-promote, ang Penthouse Live ang pinipili ng mga produ dahil tiyak na marami ang makakapanood.
Sa Penthouse Live ang unang TV guesting ni Regine Velasquez noong nameless pa ito. Kita n’yo naman, naging big star si Regine at hanggang ngayon, mga big star at respected sa entertainment industry sina Pops at Martin.
May mga tagahanga sina Pops at Martin na nangangarap na darating ang panahon na magkakabalikan sila o magkakaroon ng Part 2 ang kanilang relasyon.
Why not? Sa mundong ito, anything can happen. Good example sina Rosemarie Gil at Eddie Mesa na matagal na nagkahiwalay pero nagkabalikan at maligaya na nagsasama hanggang ngayon.
Puwedeng mangyari kina Pops at Martin ang naging kapalaran nina Eddie at Rosemarie kaya hindi sila dapat magsalita nang tapos.
Para sa akin, si Pops Fernandez ang one and only Concert Queen, wala nang iba pa.
Sa mga gustong sundan ang yapak ni Pops, mag-isip kayo ng ibang title na original at sa inyo lamang.
Hindi n’yo na puwedeng gamitin ang Concert Queen title dahil sa tuwing sinasabi ito, ang pangalan ni Pops ang unang pumapasok sa mga isip ng mga nakakarinig.
Wala itong ipinagkaiba sa mga title na Superstar, Megastar at Star for All Season. Si Nora lang ang Superstar, si Sharon ang nag-iisang Megastar at wala nang puwedeng umangkin sa title na Star for All Seasons ni Batangas Governor Vilma Santos.
Magkasunod na araw pala ang mga concert ni Julie Anne San Jose at nina Pops at Martin.
Kung sa December 12 ang Penthouse Live, Reunion!, kinabukasan naman, December 13, ang Hologram, ang first major concert ni Julie Anne sa Mall of Asia Arena.
Matindi ang pressure ng Hologram kay Julie Anne dahil kailangan na mapuno niya ang Mall of Asia Arena na may seating capacity na 16,000. Kung panonoorin ng lahat ng fans ni Julie Anne ang Hologram, imposible na hindi umapaw sa audience ang MOA Arena.
- Latest