MANILA, Philippines – Anu-anong bagay ba ang nakakaakit sa atin? ‘Yung nakakapagtaka, nangingibabaw sa lahat at kahanga-hanga. At ang mga bagay na ito ang hatid sa inyo ng GMA News TV lifestyle show Gandang Ricky Reyes Todo Na Toh (GRR TNT) ngayong Sabado alas-nuwebe hanggang alas-diyes ng umaga.
Unang itatampok sa programa’y ang imbentor na si Francisco Garcia mula Laguna. Nakapagtayo siya ng isang bahay na yari sa solar panels na ang mga gamit at kasangkapa’y umaandar kahit walang kuneksyon sa kuryente.
May feature rin ang mga kandidata ng Miss Earth 2014 na kinunan sa bagong kabubukas pa lang na SM sa Angono. Doon iginawad ang special award na Miss Gandang Ricky Reyes na napagwagihan ni Leticia Silva ng Brazil at Miss Golden Sunset Resort na tinanggap naman ni Sandy Caceres ng Paraguay.
Tuwang-tuwa ang Miss Earth participants sa paglilibot sa magarang mall at pamimili ng mga damit, sapatos, accessories at iba pa na ipapasalubong sa mga mahal sa buhay sa kani-kanilang bayang pinanggalingan.
Dadalhin din tayo ni Mader Ricky sa isang museo sa Angono kung saan matatagpuan ang mga painting, sculpture at iba pang likhang-sining ng mga taga-roon na karamiha’y itinanghal na National Artist.
May interbyu pa si Mader sa mga host ng Everyday Happy na sina Chef Boy Logro, Camille Prats, Suzzy Entrata at Alessandra de Rossi.