MANILA, Philippines – Inabangan at mainit na tinutukan ng buong sambayanan ang pilot episode ng pinakabagong primetime teleserye ng ABS-CBN na Bagito na pinagbibidahan ng Kapamilya teen stars na sina Nash Aguas at Alexa Ilacad.
Patunay dito ang datos mula sa Kantar Media noong Lunes (Nobyembre 17) kung kailan pumalo ang pilot episode nito ng national TV rating na 27.2% na angat na angat sa kalaban.
Wagi rin ang Bagito sa social networking sites tulad ng Twitter kung saan naging hot topic sa netizens ang serye at naging worldwide trending topic pa ang official hashtag ng programa na #Bagito1stCrush. Naging nationwide trending topic naman ang isa sa mga bida nito na si Ella Cruz.
Ayon kay Nash, naniniwala siya na magiging malaking tulong ang Bagito para mailayo sa maling landas ang mga kabataang tulad niya.
“Ginawa po namin itong Bagito para maturuan at maging mulat ang mga bata at magulang sa mga totoong nangyayari sa mga kabataan ngayon,” ani Nash na gumaganap sa serye bilang si Drew.
“Dapat pong abangan ng viewers ang mga pagdadaanan ni Drew, dahil ituturo po ng Bagito sa buong pamilya, lalo na po sa mga ka-edad namin, ang mga maaring mangyari kapag nakagawa ka ng isang pagkakamali,” dagdag ni Alexa.
Ang Bagito ay sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment Television.