Asia’s Songbird umalma Regine nagamit daw sa publicity ng concert ni Julie Anne

Kung hindi pa ako nagpunta kahapon sa presscon para sa concert ni Julie Anne San Jose, hindi ko malalaman na Asia’s Pop Sweetheart pala ang title niya.
Nagpatawag ng presscon ang GMA Artist Center para sa concert ni Julie Anne na may title na Hologram.

Madaling tandaan ang petsa ng upcoming concert ni Julie Anne sa December 13, 2014 (12.13.14) kaya may brilliant mind ang nakaisip nito. Mga special guest ni Julie Anne sa Hologram sina Christian Bautista, Abra, at Sam Concepcion.

May nasagap ako na intriga na nag-react ang kampo ni Regine Velasquez dahil kasali ang name niya sa publicity ng Hologram kahit hindi siya nag-confirm ng kanyang participation. Hindi ko naman nabasa ang pangalan ni Regine sa publicity guide na ipinamigay sa presscon kahapon ng Hologram kaya definitely, hindi siya mapapanood sa first major concert ni Julie Ann sa Mall of Asia Arena.

Julie Anne walang bakas ng katomboyitahan sa seksing outfit

Dalagang-dalaga na si Julie Anne nang umapir siya kahapon sa presscon ng Hologram. Seksing-seksi siya sa kanyang tight fitting outfit at walang-wala sa hitsura niya na tomboyita siya.

Natsismis noon na tivoli si Julie Anne na nag-deny agad. Naungkat din ang isyu na type niya na mag-join sa beauty contest na hindi ko sineryoso dahil hindi na kailangan ni Julie Anne na maging beauty queen. Enough nang maraming tao ang napapaligaya dahil sa kanyang singing talent.

Lovi hangang-hanga sa pambabarat ni Rocco

Mula sa Hologram presscon ni Julie Anne, nagpunta ako sa presscon ng Shake Rattle & Roll XV. Si Lovi Poe ang naabutan ko na iniinterbyu ng mga reporter. Nagpagupit ng buhok si Lovi at bagay sa kanya ang curly short hair.

Blooming na blooming si Lovi na obvious na in love na in love sa kanyang boyfriend na si Rocco Nacino. Ang sey ni Lovi, masaya na kasama si Rocco dahil wala silang dull moments. Ang husay-husay din daw ng kanyang boyfriend na makipagtawaran sa pagbili ng kung anik-anik at napatunayan niya ito nang magbakasyon sila noon sa Europe.

May feeling ako na si Rocco na ang magiging asawa ni Lovi dahil ibang-iba ang level ng pagmamahal niya sa kanyang actor-boyfriend.

Erich tuwang-tuwa na kasali na sa pelikulang pinanonood niya lang dati sa kanilang probinsya

Sumipot din sa presscon ng Shake Rattle & Roll sina Erich Gonzales at Carla Abellana. First time ni Erich na gumawa ng pelikula sa bakuran ng Regal Films kaya tuwang-tuwa siya.

Imagine, pinapanood lang dati ni Erich sa sinehan sa probinsya nila ang mga nauna nang Shake Rattle & Roll, ngayon kasali na siya sa 15th franchise ng successful horror movie projects ni Mother Lily Monteverde.

Mother Lily inalala nung panahong movie fan pa lang

Tumabi sa upuan ko si Mother Lily na mara­ming kuwento tungkol sa reunion ng senior stars na ginanap noong Linggo sa Sampaguita Gardens.

Mixed emotions ang naramdaman ni Mother nang makasalamuha niya ang mga hinahangaan na artista noong araw.

Hindi puwedeng malimutan ang success story ni Mother na number one movie fan bago siya naging matagumpay na movie producer. Sino ang mag-aakala na pasilip-silip lang si Mother sa bakod ng Sampaguita Pictures with matching pagtalon sa mataas na bakod dahil hoping siya na makita nang personal ang kanyang favorite stars?

Dahil sa sipag at tiyaga, natupad ang pangarap ni Mother na makapag-produce ng mga pelikula at naging ka-level niya ang mga produ ng Sampaguita Pictures. Nabili rin niya ang property sa tapat ng Sampaguita Gardens. Hindi na kailangan ni Mother na umakyat sa bakod dahil welcome na welcome siya na pumasok sa Vera Perez residence, anytime na gustuhin niya.

Show comments