MANILA, Philippines – Pinangaralan ng Amazing Race Philippines host / race master na si Derek Ramsay ang team Sexy Besties na sina RR Enriquez at Jeck Maierhofer dahil sa diumano’y “kawalan ng galang sa kumpetisyon at sa mga dati nitong racers.”
Matapos ang nangyaring reveal ng “super-leg” at virtual pit stop nitong nakaraang linggo, masasabi na malaki sana ang tsansa nina RR at Jeck na makahabol at matalo ang mga ibang racers. Ngunit nang marating ng Sexy Besties ang pit stop sa Ibiza Beach Club ng Movenpick Hotel sa Mactan Island, deretsahang sinabi ni Derek na tanggal na sila sa karera. Hindi naitago ng race master ang kanyang pagkadismaya sa dalawa sapagkat pakiramdam niya ay nabastos nina RR at Jeck ang mga natanggal na racers. Para kay Derek, parang sinuko na lang nila basta-basta ang Race.
“No?! We didn’t give up,” depensa ni RR sa kanilang grupo. Ngunit iginiit ni Derek na kung mas pinagbutihan lamang nila, malamang ay hindi sila ang natanggal ngayong linggo. May mga pagkakataon kasing ipinapaubaya na lang nila RR at Jeck ang mga challenges sa ibang mga teams. “No disrespect to you guys, I’m just saying na the other teams were very disappointed na binigay n’yo na lang. At the end of the day, competition ito,” sambit pa ni Derek.
Sa huli, naunawaan naman nila RR at Jeck ang nais iparating ni Derek na kung sineryoso nila ang mga nakaraang pagbusok ay siguradong kasali pa rin sila sa kompetisyon.
Sa kabilang banda, inamin ni Jeck na nasaktan siya sa mga sinabi sa kanila ni Derek. Para sa kanya, isa ang The Amazing Race sa pinakamahirap na pagsubok na naranasan niya sa kanyang buhay. Hiling niya ay huwag sana silang agad husgahan ng mga tao dahil iba raw talaga ang karanasan ‘pag nasa Race ka. Humingi rin siya ng tawad kung may mga nasaktan sila at nadismaya. Sa huli, sinabi ni Jeck na hindi nila pinagsisisihan ang pagsali sa Race.
Bukod sa naganap na “panenermon” ni Derek kina RR at Jeck, kagulat-gulat rin ang biglang pangunguna sa rankings nina AJ at Jody Saliba ng team Mag-ama, at nina Kelvin Engles at JP Duray ng team Mr. Pogi na nakuha ang una at pangalawang mga pwesto sa Leg na ito. Ang team Mag-ama ang tumapos sa sunod-sunod na panalo ng Dating Couple na sina Phoebe Walker and Matthew Edwards. Nakatanggap sina AJ at Jody ng P200,000.00 na cash prize mula sa Shell V Power Nitro+. Napatunayan naman nina Kelvin at JP na sila ang napapanahong “#MiracleBoys” nang makuha nila ang ikalawang pwesto matapos mangulelat nitong nakaraang mga linggo.
Mapapanood ito gabi-gabi tuwing 9:00 p.m. sa TV5!