MANILA, Philippines – Sa malawakang paglimita ng paggamit ng plastic at Styrofoam sa bansa, tumaas ang demand para sa papel bilang alternatibo nito. Tumaas rin ang kita ng mga negosyo tulad ng Greenpak Enterprises na gumagawa ng environment-friendly na paper cups at meal boxes.
Ngayong Miyerkules (Nov. 19) sa My Puhunan, kikilalanin ni Karen Davila ang mag-asawang Jorge at Helen Lising, ang may-ari ng food packaging company na Greenpak Enterprises na ngayo’y nagkakahalaga na ng milyong piso.
Nagsimula lamang sila sa halagang P60,000 na inipon nila bilang mga empleyado. Kung noon ay isa lamang silang maliit na design at printing business, ngayon ay supplier na rin sila ng mahigit dalawang libong kumpanya, kabilang ang mga sikat na restaurant.
Hindi inakala nina Jorge at Helen na magiging milyonaryo sila sa pagnenegosyo dahil kapwa silang lumaki sa hirap. Anak ng factory worker si Jorge habang ulila naman si Helen. Kaya naman nang makatapos sa kolehiyo sa tulong ng scholarship, umikot ang buhay nila sa pagtratrabaho.
Ngayon (Nov. 18) naman sa Mutya ng Masa, kapapanayamin ng nag-iisang Doris Bigornia ang comedy concert queen na si AiAi Delas Alas. Kung pinapatawa ni AiAi ang mga tao, ano kaya ang nagpapatawa sa kanya? Ano naman ang nagpapaiyak sa kanya? At kumusta na nga ba ang estado ng kanyang puso?
Tutukan na ang katuwang ng Pilipino sa pagsisimula at tagumpay, ang My Puhunan ngayong Miyerkules (Nov. 19), at ang katuwang sa lungkot at ligaya ng buhay, ang Mutya ng Masa ngayon (Nov 18), 4:30 p.m. sa ABS-CBN.