Mga artista noong ‘unang panahon’ napagsama-sama ni Erap!
Apat na buwan bago nagkaroon ng katuparan ang wish ni dating pangulo at ngayon ay mayor ng Maynila na si Joseph “Erap” Estrada na makasamang muli ang mga dating kasamahan sa industriya nu’ng nagsisimula pa lamang silang mag-artista.
It took the help of his friend, Manay Marichu Perez-Maceda o Manay Ichu at ilang mga kaibigan nila sa showbiz para maisakatuparan ang plano. Sila ang nagtiyagang kumontak sa mga artista lalo na ‘yung mga sikat noong dekada ‘50, ‘60, at ‘70 para maipaabot sa kanila ang imbitasyon ni Erap para makasama sila sa isang natatanging salu-salo. Pinuntahan pa ni Manay Ichu ang lahat ng mga photography studio tulad ng Tropicana sa Malabon at Uniart para makakuha ng mga larawan ng mga artistang sumikat nu’ng mga dekadang nabanggit para magamit sa isang photo gallery na umagaw ng pansin sa venue na tinawag nilang Senior Prom Reunion. Katu-katulong ni Manay Ichu sa pagpaplano ng nasabing momentous event sina June Rufino, Pempe Rodrigo, Lolly Mara, at iba pa.
Hindi mo aakalain na ganu’n karaming bituin ang darating sa event na ginanap sa Vera Perez Gardens.
At ‘di tulad ng maraming pa-party sa showbiz na mga isa o dalawang oras bago makapagsimula, bago mag-alas-7 ng gabi ay nagsimula nang magsidatingan ang mga imbitado sa venue. Nakasabay ko pa sa pagpirma sa reception ang napakaganda pang si Carmen Soriano, pero lolang-lola na sa mga ginagampanan niyang role sa mga serye ng GMA. Bihis na bihis din si Annabelle Rama na dumating kasama si Eddie Gutierrez.
Maaga ring dumating si Erap, pero hindi mo siya mahagilap dahil walang mesa na hindi nag-iimbita sa kanya para siya makakuwentuhan. Nasa may harap naman ng stage si Kuya Germs kasama ang Supertar na si Nora Aunor. Marami ang naghanap kina Gob. Vilma Santos at Amalia Fuentes. Sayang at hindi kasama sa nag-perform si Nora Aunor, pero pinalakpakan nang lubos ang mga kumantang sina Mitch Valdez, Dulce, Ernie Garcia, at Elizabeth Ramsey at Pilita Corrales.
Hindi ko nakilala si Dranreb Belleza dahil talagang lumobo na ang pangangatawan nito, pero siya mismo ang lumalapit sa mga kaibigan niya sa press at ipinakikilala ang kanyang sarili kasama ang malusog din niyang maybahay. Nasa katabing mesa ko naman ang Wing Duo nina Nikki at Angie, Carmen Patena, Eva Eugenio, at Elizabeth.
Ang ganda-ganda pa rin ni Mila del Sol at masayang nakipagkodakan kahit nakaupo na sa isang wheelchair.
Maraming kumpanya ng pelikula dati ang well represented. Tulad ng Sampagita Pictures, LVN, Premiere Prods, Larry Santiago Prods., at Tagalog Ilang-Ilang.
Nakita kong abala sa pakikipagtsikahan ang Santiago Bros. na sina Randy, Rowell, at Raymart, ang mag-amang Niño at Alonzo Muhlach, ang magbabarkadang Mildred Ortega, Raquel Mobresa at Jun Soler, Coney Reyes, Dulce, Pepito Rodriguez, Susan Roces, Malou Choa Fagar, Rez Cortez, Armida Siguion-Reyna, Bibeth Orteza, Lorna Tolentino, ang mag-inang Gloria Sevilla at Suzette Ranillo, Edgar Mortiz, Gloria Romero, Mayor Herbert Bautista at mga kapatid na Herlene at Hero, Mother Lily Monteverde, Imelda Ilanan, Divina Valencia, Sen. Tito Sotto at Helen Gamboa, Delia Razon, Tony Ferrer, Fanny Serrano, Maricel Soriano, Roderick Paulate, Maggie dela Riva, Luz Valdez, Jose Mari, at Charito Malarky Gonzales, Celia Rodrigez, Candy Pangilinan, Daisy Romualdez, Daria Ramirez, Alex, at Cheng Muhlach at marami pang hindi ko na nakita.
Nagsilbing host sa maikling programa sina Boots Anson Roa at Erwin Maceda. Bukod sa ilang song numbers, nagpalabas ng film clip tungkol sa apat na big film productions at ang mga malaking pelikula na ginawa nila at artistang napasikat nila. Napanood din ang pagsisimula ng karera ni Erap at ng kanyang BFF na si FPJ (Fernando Poe, Jr.). Naging finale ng programang hindi naman gaanong naging matagal ang pagpapakuha ng larawan ni Erap kasama ang mga nakaupo sa lahat ng mga mesa bilang souvenir.
Masaya ang Senior Prom Reunion na dinaluhan din ng ilang mga entertainment press na nakasama rin ni Erap sa pagsisimula ng kanyang career hanggang ngayon tulad ng magkakapatid na Ramos, Ethel, Chit, at Len Llanes, Norma Japitana, Ricky Lo, Letty Celi-Reyes, Pilar Matteo, Ronald Constantino, Mario Hernando, Francis Simeon, ako, at siguro, marami pang iba, pero ‘di ko na nakita sa rami ng tao.
Masarap ang hapunan na pinagsaluhan ng lahat na tinampukan ng lechon baka at baboy, vegetable salad, tempura, pasta, roast beef/fish, at assorted desserts.
Carmen mas gustong umakting na lang kaysa balikan ang pagkanta
Hindi masagut-sagot ni Carmen Soriano kung babalikan pa niya ang kanyang pagkanta. Sinabi niyang mas enjoy siyang umarte tulad nang ginagawa niya sa The Half Sisters. Mas nangibabaw sa kanya ang pagkagulat dahil sa napakaraming nanonood ng teleserye nila sa hapon.
Wish din niya na mabigyan pang muli ng ganitong mga roles ng Kapuso Network.
- Latest