Mga ginawang pelikula nina FPJ at Erap ‘di na kayang pantayan

Two hundred pala ang bilang ng mga pelikula na ginawa ni Fernando Poe, Jr. at 150 movies naman ang movie projects ni Manila City Mayor Joseph Estrada.
Hindi na mapapantayan ng mga artista ngayon ang achievements nina Kuya Ron at Papa Erap. Masuwerte sila kung makakaabot sa 50 ang mga pelikula nila dahil sa current state ng movie industry.

Tapos na at hindi na magbabalik ang golden years ng Philippine Cinema.

Hindi na mararanasan ng mga artista ngayon ang mga na-experience noon nina Kuya Ron at Papa Erap. Let’s face it, maigsi na ang life span ng acting career ng mga artista na baguhan at panandalian lamang ang kasikatan.

Ikinuwento ni Papa Erap sa reunion ng veteran stars sa Sampaguita Gardens noong Linggo na sa dami ng mga pelikula na ginawa niya, hindi siya nabigyan ng movie project ng Sampaguita Pictures.

Pareho raw sila ng kapalaran ni Kuya Ron na may 200 movies pero hindi nakagawa ng pelikula sa bakuran ng Sampaguita Pictures.

Hindi man siya nagkaroon ng pelikula sa film outfit ni Dr. Jose Perez, naging matalik na kaibigan nina Papa Erap at Kuya Ron si Manay Ichu Maceda at ang mga kapatid nito. Si Manay Ichu ang panganay na anak nina Dr. Perez at Mama Nene.

Si Manay Ichu ang kasama ni Papa Erap sa pag-organize ng successful reunion na nangyari noong Linggo sa Sampaguita Gardens.

Dumalo si Lorna Tolentino sa reunion ng mga veteran star dahil personal ang imbitasyon sa kanya ni Papa Erap na ninong nila ni Rudy Fernandez sa kasal.
Gumawa noon si LT ng pelikula sa Sampaguita Pictures at nagsimula noong dekada ‘60 ang career niya bilang child star kaya pasok siya sa reunion ng mga senior star.
Kung nabubuhay sina Kuya Ron at Rudy, tiyak na active at may participation sila sa paghahanda sa reunion ng mga artista ng tatlong dekada.

Umapir din si Maricel Soriano dahil pareho sila ni LT na pasok sa kategorya ng mga artista noong dekada ‘70.

Nagsimula rin ang showbiz career ni Maricel bilang child star at halos buong buhay niya, artista siya.

Star-studded ang reunion ng mga veteran star na bihirang-bihira na mangyari. Ang sabi nga ni Manay Ichu, baka hindi na maulit ang ganoong okasyon, ang pagsasama-sama ng mga artista noong ‘50s, ‘60s at ‘70s.

Sayang nga lang dahil hindi ginawa na TV special ang reunion. Pagkakataon na sana ng mga senior citizen na mapanood sa isang TV show ang mga artista na hinahangaan nila noon. Chance na rin ng mga kabataan na makilala ang veteran stars na hindi puwedeng mabura ang mga pangalan sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino.

Show comments