Noon pa sinasabi ni Senator Bong Revilla, Jr. na pineke ang mga pirma niya sa mga dokumento ng PDAF pero pinagdudahan ang kanyang pahayag, kahit inamin ng whitsleblower na si Benhur Luy na pineke nito ang mga pirma ng mga mambabatas na isinangkot niya sa PDAF scam.
Ang dating Senior Document Examiner ng NBI na si Atty. Desiderio Pagui ang nagpatotoo na pineke ang mga pirma ni Bong sa mga PDAF document.
Hindi puwedeng kuwestyunin ang kredibilidad ni Atty. Pagui dahil kinikilala siya ng Supreme Court bilang expert sa pagsusuri ng mga dokumento.
Nang humarap sa Sandiganbayan si Atty. Pagui, ipinakita niya ang pagkakaiba ng mga pirma sa tunay na signature ni Bong at kung paano ito pineke.
Walang kinalaman sa mga akusasyon laban kay Bong ang mga ebidensya na ibinigay ng prosecution sa Sandiganbayan. ‘Yun din kasi ang mga ebidensya na pineke ang mga pirma ni Bong.
Kung natatandaan ninyo, inamin kamakailan ng NBI witness na si Joey Narciso na inutusan siya kung papaano gagawin ang examination sa hard disk drive ni Luy, ang mga pangalan na dapat na ilagay sa kanyang findings at ang incomplete examination niya sa hard drive disk.
Wala rin kaugnayan sa pagkakasangkot ni Bong sa PDAF scam ang mga dokumento na galing sa Commission On Audit at ibinigay na ebidensya ng prosecution sa Sandiganbayan. ‘Yun din kasi ang mga document na pineke ang pirma ni Bong at hard disk drive na malabo ang integrity, ayon na rin kay Narciso.
Naging biktima si Bong ng character assassination at trial by publicity dahil sa kagagawan ng ibang mga tao.
Nakakalungkot isipin na sinira nila ang pagkatao ni Bong at ngayon, siya ang maglilinis ng kanyang pangalan na dinumihan ng detractors niya.
Mabuti na lang, marami ang naniniwala na inosente si Bong.
Nakikita kasi nila na lumalabas na ang katotohanan, ang kawalan ng mga ebidensya laban sa mga paninira at pilit na pagsasangkot sa kanya sa PDAF scam.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Bong tungkol sa kumpirmasyon na fake ang mga pirma niya sa PDAF documents.
Basta ang alam ko, patuloy ang pagdarasal ni Bong sa Diyos dahil hindi nawawala ang pag-asa niya na lilitaw ang katotohanan.
Malakas ang pananalig ni Bong sa Panginoon at nananatili siya na matatag at hindi sumusuko.
Malaking tulong ang pagpunta ni Bong at ng kanyang pamilya sa Holy Land noong April 2014 dahil napaghandaan nila ang mga dumating na pagsubok.
Matagal ko nang kilala si Bong kaya isa ako sa mga makapagpapatunay na mabuting tao siya.
Ang makatulong lang sa kapwa ang kanyang hangad kaya pumasok siya sa public service.
Kung tutuusin, hindi kailangan ni Bong ang pulitika dahil puwede silang mamuhay ng komportable ng kanyang pamilya dahil successful actor at movie producer siya.
Taon-taon, sumasali si Bong sa Metro Manila Film Festival dahil sa kagustuhan niya na mapaligaya ang mga bata kaya mga fantasy movie ang kanyang ginagawa.
Dalawang taon nang walang filmfest entry si Bong mula nang isangkot ni Benhur ang pangalan niya sa PDAF scam at sa totoo lang, hindi kumpleto ang MMFF kapag walang pelikula si Bong na kasali.
Pero ngayong nagiging malinaw na ang lahat dahil lumalabas na ang mga katotohanan, naniniwala ako na mapatutunayan ni Bong sa lahat na biktima lamang siya ng mga paninira .
Naniniwala ako na magdedesisyon ang Sandiganbayan base sa mga ebidensya at hindi dahil may nagdidikta sa kanila.
Nadagdagan ang paghanga ko sa justices ng Sandiganbayan nang payagan nila si Bong na magkaroon ng check up bukas sa St. Luke’s Medical Center, sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng prosecution at nang pumayag sila na lumabas ng VMMC si former President Gloria Macapagal-Arroyo para ipagluksa ang namatay na apo.