MANILA, Philippines - Bago pa ma-imbyerna ang mga executive ng GMA 7, nagpaliwanag si Heart Evangelista kahapon sa Startalk tungkol sa mga naglalabasang isyu ng naghihinanakit siya dahil mas binibigyan ng importansiya ng GMA ang kasalang Dingdong Dantes and Marian Rivera.
Say ni Heart, wala siyang na-mention na kahit ano na may connection sa sinasabing tampo.
Paano raw mangyayari ‘yun eh principal sponsors nga niya ang mga executive ng GMA. She’s always grateful daw to GMA sa suporta at sa nalalapit nga niyang pagpapakasal kay Sen. Chiz Escudero.
At ang salarin at nagkalat daw ng maling impormasyon, blogger. Oh no wonder.
I witness naka-15 years na
Grabe 15 years na pala ang programang I Witness ng GMA 7. Parang kailan lang nang umere ang programa ng GMA News and Public Affairs.
At sa 15 years nila, halos 800 istorya na pala ang nagawa nila.
Sa pangunguna ng mga beteranong mamamahayag na sina Howie Severino, Sandra Aguinaldo, Jay Taruc at Kara David, ngayong Nobyembre, gugunitain ng I-Witness ang ika-15 anibersaryo nito sa pamamagitan ng isang serye. Unang umere ang dokumentaryo ni Kara David tungkol sa isang guro at kanyang mga estudyante sa Norte: Sila ay may pangarap.
Dalawampu’t anim na taon nang nagtuturo si Martha Bitaga. Gaya ng ibang guro, nais niyang mapabuti at makatayo sa sariling mga paa ang kanyang mga estudyante. Hindi ito madali. Maraming hamon sa kanilang pagkatao, mga balakid sa labas ng silid-aralan. Sa bawat pagkakataon, kailangang maging handa. Bihira ang oportunidad para sa mga hindi nakakakita.
Naaalala pa ni Nexiemar Abilang kung ano ang kanyang nakita noong maayos pa ang kanyang paningin: mga bulaklak. Sa edad na labing-isang taong gulang, ngayo’y maulap na ang kanyang mga mata. Ang bulaklak na dati’y nakikita, inihulma na lamang niya sa isang clay. Madilim na ang mundo ng bata, ngunit maliwanag ang kanyang pangarap. Gusto niyang maging guro sa kanyang pagtanda.
Sa mga ganitong story magaling ang I Witness. Talagang inuukilkil nila ang mga kuwentong parang nalilimutan na ngayon ng karamihan dahil sa pagiging active nila sa social media. Pero sa kanilang programa makikita mo ang totoong problema at hinaing ng mga taong talagang nangangailangan.
Isa sa ‘di ko malimutang episode ni Ms. Kara ‘yung tungkol sa mag-aabaca. Doon umaasa ang buong mag-anak na nakatira sa bundok. Pero sa kabila ng hirap at dusa para kumita sa abaca, barya-barya lang pala ang kita nila. Nakakaawa ang nasabing mag-anak. Samantalang ang abaca ‘pag ginawa nang gown, expensive na ang halaga.
Actually marami pa silang unforgettable episodes na ipinalalabas tuwing Lunes ng gabi.
Gerald biglang naging madasalin
Matagumpay ang ginanap na gala premiere ng San Pedro Calungsod-The Musical last week na si Gerald Santos ang gumanap sa second Filipino Saint. Hindi lang sa pagkanta kinabiliban ng mga nanood si Gerald kundi sa aktingan din.
“Sobrang saya po at sobrang honored ‘yung pakiramdam ko dahil nabigyan ako ng pagkakataon na gampanan ‘yung buhay ng ating second Filipino Saint - si San Pedro Calungsod. ” sabi ni Gerald.
Gaano ba katagal tatakbo ang play na ito at saan?
“Ito-tour po ito sa buong Pilipinas. Actually, may mga schedule na kami sa Bacolod, sa Davao, sa Cotabato. Then, next year babalik po kami dito sa Maynila. Dun kami magra-run ng mahaba rito,” sagot niya.
Bakit puro English ang play at hindi Tagalog?
“Kasi po ito-tour ito sa buong Pilipinas at sa Visayas at Mindanao, mas prefer nila ang English especially Cebu and Davao kaya ‘yung producers natin ang request nila ay English play,” katuwiran niya.
Ano ang kaibahan ng pagkanta na hindi umaarte sa ganitong musical play?
“Sa concert kasi I can sing 30 songs straight, dito sa play kasi may dialogue, sumisigaw ka. ‘Yun kasi ang nakakaubos ng boses ‘yung pagsigaw then kumakanta ka at the same time. So, napakahirap lalo na kung marami kayong shows in a day. At least training ground din sa akin ito, kumbaga magiging sobrang tibay ko as a performer dahil dito,” sabi niya.
Gaano katagal niya pinag-aralan ang mga kanta?
“Two months po kaming nag-rehearsal, magkakasama na po ang music, ‘yung acting, ’yung choreography,” aniya pa.
‘Di ba nagpalaki siya ng katawan at ready na siyang magpa-sexy. Paano ngayong sumabak siya sa San Pedro Calungsod?
“I think I can wait kasi may hangganan naman ito. Ilang months lang naman ito. So ‘yun nga, since wala pa namang offer right now, ito muna ang pagkakaabalahan ko,” sabi ng singer na nagkuwentong mas tumibay ang kanyang faith dahil sa musical play na ito.
“Feeling ko nga mas napalapit ako kay God. Everyday mas nagpi-pray ako, alam mo ‘yun. Siyempre, aminado naman tayo minsan sa pagod din, nakakalimutan natin pero ngayon hindi na. Kumbaga, mas na-strengthen ‘yung faith ko.”
Ang mga producer ay sina Loven Red and Bem Red Reyes under Redlife Entertainment Productions.
Ayon kay Gerald, 10 shows nationwide ang pinirmahan niyang kontrata sa Redlife Productions. Puwede raw silang mag-renew or kung ayaw na after 10 shows. Napili raw ng Redife si Gerald na maging Calungsod dahil wala silang maisip na babagay sa role kundi siya.
Plano rin ba niyang mag-audition sa mga play sa London gaya ng Miss Saigon o gaya kay Mark Bautista?
“Kung may opportunity. Why not. Right now hindi pa ako nag-try kasi nagkakataon kasi kapag may audition, like two years ago, may tv show naman ako. Ngayon namang nandito ako sa play, parang wala pa akong nababalitaan na audition. Hindi ko masabi kasi yung tadhana parang hindi pa pinagtatagpo,” pagtatapos ni Gerald.