Madi-disappoint ang fans ng love team na gusto nilang maging real life couple dahil “my friend” pa rin ang pakilala ng aktres sa aktor sa kanyang pamilya at close friends at hindi pa “my boyfriend.”
Sa isang event kung saan nagkasama ang aktres at aktor at present ang buong pamilya ng aktres at non-showbiz friends, ilang beses na narinig ang aktres na ipinakilala ang aktor na “my friend.”
Narinig ‘yun ng ilang fans at nadismaya sila dahil inakalang sa sweetness ng dalawa, may romansa nang namamagitan sa kanila. Tila advance ang imahinasyon ng fans dahil hindi pa nag-level up sa pagiging mag-BF/GF ang relasyon ng dalawa. Sila ang hindi na makapaghintay, samantalang ang aktres at aktor ay taking their sweet time to know each other more bago mag-commit.
Dennis laging napapansin ang akting pag nagpapakabading
Nauna nang na-nominate sa 42nd International Emmy Award ang My Husband’s Lover sa Best Telenovela category, heto at nominated namang Best Actor in a Leading Role si Dennis Trillo sa Asian TV Awards para pa rin sa MHL.
Nominated din ang director ng MHL na si Dominic Zapata sa Best Direction category at kundi kami nagkakamali, first international nomination ito ni Direk Dom.
Second nomination ito ni Dennis sa Asian TV Awards dahil na-nominate rin siyang best actor noong 2007 sa Unico Hijo, ang Lenten Special ng Tape Inc. Bading din ang role rito ni Dennis, ibig sabihin, mahusay talaga siya sa mga beki role.
Sa November 24 ang awards night sa New York ng Internatinal Emmy Awards at ang Creative staff ng MHL ang dadalo kabilang ang head writer na si Suzette Doctolero. Sa December 11 naman ang awards night ng Asian TV Awards sa Marina Bay Sands sa Singapore. Wala pang balita kung ipadadala ng GMA 7 sina Dennis at Direk Dom sa Singapore. May second unit director naman yata ang Hiram na Alaala na magdidirek habang wala si Direk Dom.
Bagong ‘anak’ ni Zanjoe nangangarap makabili ng bahay na may swimming pool
Memoryado pa rin ng child star na si Jana Agoncillo ang kantang Downtown na ginamit sa TVC ng McDonald’s nila ni Marita Zobel at kung saan siya napanood ni Zanjoe Marudo. Sa TVC pa lang, nagalingan na si Zanjoe kay Jana na kasama niyang bida sa ABS-CBN feel good series na Dream Dad.
Five years old si Jana na unang lumabas sa Honesto at Ikaw Lamang and in fairness, puro magaganda ang time slot ng kanyang mga show at magagaling ang nakakasamang cast.
Ipinagmalaki ni Jana na may 5K na siya sa bangko, talent fee niya raw sa TV shows at commercial. Ibibili niya ang pera ng lutu-lutuan at coloring book. Nang aming tanungin kung anong mas mahal na gamit ang bibilhin ‘pag marami na siyang pera, agad ang sagot ay bahay with four bedrooms and swimming pool.
Sa trailer ng Dream Dad na pilot na sa Monday, bago mag-TV Patrol, makikitang nagsasayaw sina Jana at Zanjoe, pero may sorpresa pa ang dalawa sa viewers.
Malalaman n’yo kung ano ito ‘pag pinanood ang series sa direction ni Jeffrey Jeturian.