Tawa kami nang tawa sa kuwento ng isang grupong katrabaho ngayon ng isang young actress na hindi mabubuhay nang wala ang kanyang pang-make-up sa ilong.
Sakit na pala ‘yun ng batang aktres, kahit pa hindi naman siya pango dahil sumailalim na siya sa nose enhancement ay ayaw pa rin niyang humarap sa mga camera na hindi naglalagay ng noseline, secure na secure daw kasi siya kapag naglalagay nu’n sa magkabilang gilid ng kanyang ilong.
Kuwento ng source, “Ang eksena, e, pahihirapan siya ng kontrabida, paiiyakin siya nang husto, ‘yung halos naghahalo-halo na ang pawis, sipon, at luha niya sa eksena.
“Ang bilin sa kanya ng assistant director, e, huwag siyang mako-conscious, pabayaan lang niyang magsama-sama ang sipon, pawis, at luha niya. Mas matindi ang dumi sa mukha niya, mas maganda para sa eksena.
“Pero hindi pa rin siya nagpapigil, nu’ng sumalang pala siya para sa eksena, e, nagkulapol muna siya ng pang-noseline sa dalawang fingers niya.
“Ayun! Nu’ng malingat ang assistant director, ipinunas na niya ‘yun sa gilid ng ilong niya. Addict na siya sa noseline!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.
Kuwento ng mga kaibigan ng young actress ay meron daw silang ihinahandog na kanta para sa young actress ang “Kunin mo na ang lahat sa akin… huwag lang ang aking pang-noseline.”
Ipinaayos na ng young actress ang kanyang ilong sa isang magaling na doktor. Pati ang kanyang mga ate ay nagpaayos din. Wala na silang problema sa ilong ngayon pero naglalagay pa rin ng noseline ang young actress.
“Kunin mo na ang lahat sa kanya at okey lang, huwag na huwag mo lang aalisin sa kanya ang pang-noseline,” pagkumpirma pa ng aming source.
Ha! Ha! Ha! Ha! Ubos!
Sen. Jinggoy at Sen. Bong may Christmas wish
Sa Lunes nang tanghali ay pansamantalang lalabas sa kanyang piitan si Senador Bong Revilla, Jr. at kinabukasan nang hapon na siya babalik sa PNP Custodial Center.
Pinagbigyan ang kanyang hiling na makapagpagamot dahil sa matindi nang pananakit ng kanyang ulo, sobra na ang pag-atake ng kanyang migraine, nu’ng minsang matiyempuhan namin ‘yun ay awang-awa kami sa senador.
Sinasapo niya ang kanyang ulo, lumuluha nang tuluy-tuloy ang mga mata niya, nagkakandasuka ang senador dahil sa sobrang sakit ng kanyang ulo sanhi ng migraine.
Dati na niyang sakit ‘yun, hindi ito sakit na gawa-gawa lang para siya makalabas sa kulungan, kailangan na talaga ng gamutan para gumaan ang kanyang pakiramdam.
“Lalo na kapag nasa lugar siya na tinatamaan ng init ng araw, mas tumitindi ang atake ng migraine, mismong military doctor nang tumingin sa kanya ang nagpayo na kailangan na niyang mag-undergo ng series of examination,” paliwanag ni Kabsat Portia Ilagan.
Ramdam na ramdam na ang pagkainip ng magkaibigang senador sa loob, nagiging masaya lang sila kapag nandu’n ang kanilang mga pamilya, saka kapag dumadalaw ang kanilang mga kaibigan.
Hiling nina Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla ay payagan sana silang mamuhay sa labas habang dinidinig ang mga kasong ibinibintang sa kanila, tutal naman ay itinuturing na inosente ng batas ang sinuman hanggang walang napatutunayang pagkakasala, hanggang wala pang konbiksiyong ipinapataw sa nasasakdal.