Nag-enjoy ang entertainment press sa pakikipagkuwentuhan kahapon kina Mig Ayesa at Sophie Sumner dahil maraming kuwento ang dalawa tungkol sa Fil It Up, ang travel show nila na malapit nang mapanood sa TV.
Si Miles Roces at ang mga business partner niya sa Limitless Ventures ang producers ng Fil It Up na may local at international version.
Si Papa Miles ang unang nagkuwento sa akin tungkol sa travel show nina Mig at Sophie. Ipinakita pa niya noon sa akin ang teaser ng show na world class ang quality.
Sayang dahil hindi natuloy ang partnership ng Department of Tourism at ng Limitless Ventures. Sa ganda ng Fil It Up, hindi mahihirapan ang DOT na i-promote ng ating bansa sa international scene.
First time na humarap kahapon si Sophie sa local media at kinumpirma niya na magkaibigan sila ng British actress na si Emma Watson.
Interesado si Emma na bumisita sa Pilipinas dahil sa magagandang kuwento ni Sophie tungkol sa bayan natin.
Paboritung-paborito ni Sophie ang Bohol na pinuntahan niya noong nakaraang taon matapos yanigin ng malakas na lindol.
Bilib na bilib si Sophie sa resilience na ipinakita ng mga biktima ng lindol. Personal na nasaksihan ng sikat na British model ang pagkakaisa ng mga kababayan natin sa Bohol para makabangon mula sa kalamidad na sumira sa century old churches at ibang mga business establishment.
Hindi nagdalawang-isip si Papa Miles na mag-produce ng isang travel show.
Matagal na naging public servant si Papa Miles at kahit hindi na active sa pulitika, naniniwala siya na maraming paraan upang makatulong siya sa bayan.
Sa pamamagitan ng Fil It Up, makakatulong si Papa Miles na i-promote ang mga magaganda na tanawin sa Pilipinas.
Hangang-hanga sina Mig at Sophie sa mga tourist attraction at destination sa ating bansa. Mapapanood sa Fil It Up ang mga never before seen tourist spot sa Pilipinas.
Kung ang Bohol ang favorite ni Sophie, malapit naman sa puso ni Mig ang Vigan, Ilocos Sur. In love na in love si Mig sa mga old houses at churches sa Vigan. Hindi rin niya makalimutan ang mga natikman na Vigan longganisa at okoy.
Isinilang si Mig sa Maynila pero lumaki siya sa Australia. Nagkaisip man sa ibang bansa, Pinoy na Pinoy si Mig sa puso at gawa.
May isinulat na kanta si Mig para sa mga biktima ng Typhoon Yolanda at Typhoon Ondoy, ang United As One.
Pinalakpakan ng entertainment press ang music video ng original composition ni Mig na puwedeng bilhin sa iTunes at ang mga biktima ng Typhoon Yolanda ang mga beneficiary.
May special participation si Sophie sa music video ng United As One na nagpapakita pa rin sa mga lugar na dapat bisitahin sa Pilipinas ng mga turista.
Aalis na nga pala sa bansa si Mig sa darating na Lunes. Pupunta siya sa London para sa Michael Jackson show na tatampukan niya at ng ibang international singers. Sikat na sikat si Mig sa ibang bansa dahil sa kanyang world class singing talent.