MANILA, Philippines - Muling naghandog ng serbisyong pampubliko ang GMA Super Radyo DZBB, sa pamamagitan ng Serbisyong Totoo Caravan na ginanap sa Valenzuela City noong November 9.
Sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela, ang Caravan ay matagumpay na ginanap sa Valenzuela Astrodome sa Dalandanan, Valenzuela City.
Ang Serbisyong Totoo Caravan ay isang one-stop shop para sa mga nangangailangan ng tulong mula sa iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno na nagbigay ng basic services at sumagot sa mga katanungan ng publiko.
Sa ikaapat na bahagi ng Serbisyong Totoo Caravan, nagbigay ang SSS ng mga SSS number, tumanggap ng mga benefit application, at nag-verify ng kontribusyon, at loan ng kanilang mga miyembro, habang ang GSIS naman ay nagsagawa ng pagre-review at pag-a-update ng impormasyon tungkol sa kanilang mga miyembro, loan applications, at iba pang mga katanungan. Ang mga miyembro naman ng Pag-IBIG ay nagpa-verify ng kanilang membership at kontribusyon, habang naroon naman para sumagot sa mga katangunan ng kanilang mga miyembro ang mga Pag-IBIG representatives.
Samantala, ang Philippine Statistics Administration (dating National Statistics Office o NSO) ay nagkaroon ng booth upang sagutin ang mga katanungan tungkol sa mga birth, marriage, at death certificates. Ang Philhealth ay tumanggap ng mga application at nagbigay ng mga Philhealth ID at MDR para sa mga bago at dating miyembro sa nasabing araw. Bukod dito, nagbigay din sila ng legal advice mula sa mga kinatawan ng Public Attorney’s Office.
Gayundin, katuwang ng GMA ang Philippine Dental Association’s Valenzuela Chapter na nagbigay ng ngiti sa mga residente ng Valenzuela sa booth nito na naghandog ng libreng dental consultation, dental education, at fluoridation para sa unang 100 na bata na nasa 5 hanggang 10 taong gulang.
Mula nang ilunsad ito noong April 2014, ang Caravan ay nagsilbing tulay sa pagitan ng iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno at ng publiko sa ngalan ng Serbisyong Totoo. Kasama ang DZBB team na binubuo ng radio personalities at staff, nakatulong na sa mahigit 2,800 katao ang Caravan sa mga lungsod ng Quezon City, Manila, at Pasay.