Akala nami’y may mga naninira lang sa isang male singer dahil kilala na siya at magaling pang kumanta. Matagal na kasing umiikot ang kuwento tungkol sa hindi kagandahang amoy ng hininga niya, pinagpipistahan ‘yun ng kanyang mga nakakatrabaho, pero pati pala sa mismong grupo ng mga kasamahan niya ay ‘yun din ang madalas nilang topic nang palihim?
Ang produksiyong humahawak ng isang variety show ang nakakaalam ng lihim ng male singer. Akala ng tropa ay sila lang ang nakakapansin ng bad breath ng male singer, pero lumapit sa floor director ang isa pang regular singer ng show, meron itong ipinakiusap.
Kuwento ng aming source, “Totoo, lakas-loob na nagsabi ‘yun singer na sana, kapag sila na ang susunod na kakanta, e, huwag ibibigay sa kanya ang microphone na ginamit ni ____(pangalan ng male singer na buung-buo naman ang mga ngipin).
“Nagtutunog-ngongo raw kasi siya habang kumakanta hindi dahil sa nasal ang atake niya, kundi nagsasarado siya ng ilong while singing dahil sa baho ng ginagamit niyang microphone.
“Umaariba raw kasi sa kabahuan ang hininga ng co-singer niya sa show, ayaw matanggal ‘yun sa microphone, kaya hirap na hirap siyang kumanta,” kuwento ng aming impormante.
Nu’ng kumalat na ang kuwento ay gumawa ng hakbang ang produksiyon, ang ginagamit na mikropono ng male singer para sa kanilang production number ay nilalagyan na nila ng marka, hindi na puwedeng ipagamit ‘yun sa iba.
Siya na lang ang gagamit ng mikropono, kaya niyang tagalan ang kabahuan ng hininga niya, hindi siya makaaangal dahil ang bad breath niya ang tunay na problema.
Pang-uusisa ng aming source, “Paano kaya siya natagalan nu’ng female singer na matagal niyang nakarelasyon? Ang bad breath kaya niya ang reason ng break-up nila?”
Ha! Ha! Ha! Ha! Ubos!
Maegan nabugbog na, nagyayabang pa
Kumbaga sa manok na panabong, bali na ang pakpak at tuka ni Maegan Aguilar ay sumasalpok pa rin siya, bagsak na ay nagyayabang pa.
Sa isang panayam tungkol sa inabot niyang pambubugbog ng kanyang ka-live-in ay sinabi ni Maegan na hindi pa rin daw siya susuko-lalapit sa kanyang amang si Ka Freddie Aguilar, ang pinagdaraanan daw niya ay hindi magiging dahilan ng kanilang pagkakasundo, hinding-hindi raw siya hihingi ng ayuda sa tatay niya.
Kung nu’ng kasagsagan ng away nilang mag-ama ay marami nang nagalit kay Maegan, sa pagkakataong ito ay ganu’n pa rin ang karaniwang komento ng ating mga kababayan, talagang may kaangasan ang babaeng ito at hindi siya dadalhin sa magandang sitwasyon ng kanyang pride.
Hindi yata alam ni Maegan ang kasabihan na hindi lang naman laway ang nilulunok, sa pagkakataong tayo ang mali ay nagsusuko na dapat tayo ng pride, dahil pekeng lakas ng loob lang ang naibibigay ng maling pride.
Isang kasamahang musikero ni Ka Freddie ang aming nakausap, kahit ito ay nagtataka kung bakit nagkaganyan si Maegan, “Nakita ko kasing lumaki ang batang ‘yan, patakbu-takbo lang siya nu’n sa bahay nila kapag gumagawa kami ng kanta ni Kaka, akalain mong siya pa pala ang maninira sa mismong tatay niya?”
Ang totoo ay hindi naman kagandahan ang boses ni Maegan, napasok lang niya ang music scene dahil sa pangalan ng kanyang tatay na ginasgas niya nang todo, pero sa halip na magpasalamat sa magandang kapalarang ibinigay ng pangalang binitbit niya ay kinagat pa niya ang mga kamay na nagpala sa kanya.