Nagtatanong naman ang fans ni Mark Herras dahil wala ang madir ni Ada Sofia sa mga lumabas na picture nang mag-celebrate ng 1st birthday ang bagets noong November 1. Si Ada ang lovechild ni Mark at mahal na mahal nito ang anak. Isang bonggang birthday party na may theme na Sofia the First ang inihanda ni Mark para sa kanyang anak. Isa ito sa katuparan ng mga pangako ni Mark na gagawin niya ang lahat para magkaroon ng bright future at normal childhood si Ada.
Mga bisita sa party ang mga kasamahan niya sa GMA 7 gaya nina Kylie Padilla, Rodjun Cruz, Katrina Halili, Yasmien Kurdi, Winwyn Marquez, Enzo Pineda, at marami pang iba.
Asking ang fans ni Mark dahil wala sa mga lumabas na picture ang nanay ni Ada Sofia. Ako na ang sasagot sa tanong ng fans. Very private person ang nanay ni Ada kaya missing siya sa mga picture na inilabas ng Nice Print Photo Company na nag-cover sa memorable birthday party ni Ada.
Heart hindi lang isa ang susuuting gown sa kasal
Ibinalita ko na noon dito sa PSN (Pilipino Star NGAYON) na ang fashion designer na si Monique Lhuillier ang gagawa ng wedding gown ni Heart Evangelista pero may ibang pangalan na lumilitaw. Sure na sure ako na si Monique ang magbibihis kay Heart sa araw ng kasal nito kay Senator Chiz Escudero dahil nagbigay na siya ng down payment sa popular Pinay designer sa Hollywood. Kung lumalabas ang name ng ibang designer, puwedeng nagpagawa sa kanya si Heart ng damit na gagamitin sa wedding reception.
Magkikita kami ni Heart sa Sabado sa studio ng Startalk. Itatanong ko sa kanya kung bakit nababanggit ang name ng ibang designer, maliban kay Monique.
Si Heart lang ang makapaglilinaw sa isyu dahil siya ang magsusuot ng wedding gown. Mabuti nang siya ang sumagot para hindi na nalilito ang mga sumusubaybay sa nalalapit na pag-iisang dibdib nila ni Papa Chiz.
Katrina at Kris tuloy ang ‘relasyon’
Nakunan ng picture na magkasama sina Katrina Halili at Kris Lawrence sa party ng anak ni Mark noong Lunes. Hindi nagkabalikan ang dalawa pero nananatili sila na good friends, alang-alang sa kanilang anak na si Katie.
Si Katrina ang nagkumpirma sa mga reporter na hiwalay na sila ni Kris. Pagkatapos magkuwento sa presscon ng Child House, nakiusap si Katrina na huwag nang i-publish ang mga pahayag niya at huwag nang ipalabas sa TV ang interview sa kanya.
Isinulat pa rin ng press ang mga rebelasyon ni Katrina dahil ito raw ang kuwento nang kuwento. Napanood din nila sa TV ang pagpapainterbyu ni Katrina tungkol sa tunay na estado ng relasyon nila ni Kris.
Amy Perez kasal na
Invited si Mariel Rodriguez sa kasal kahapon ni Amy Perez. Daig nang maagap ang masipag. Si Mariel ang unang naglabas ng wedding picture ni Amy habang nagmamartsa ito, kasama ang pangalawang anak, papunta sa altar.
Happy ako para kay Amy dahil natupad ang pangarap niya na mabasbasan ang pagsasama nila ni Carlo Castillo. Mabait na tao si Amy kaya karapatan nito na maging maligaya sa piling ng lalake na pinili niya na makasama sa habambuhay.
Congrats at mabuhay ang bagong kasal!