DZMM, panalo sa Abu prizes at CMMA

MANILA, Philippines - Panalo ang DZMM Radyo Patrol Sais Trenta sa prestihiyosong Asia-Pacific Broadcasting Union (ABU) Prizes 2014 at sa Catholic Mass Media Awards (CMMA) na ginanap kamakailan.

Nagwagi ang himpilan sa kategoryang News Reporting sa ABU Prizes para sa coverage nito ng Bagyong Yolanda mula Nobyembre 8 hanggang Nobyembre 16, 2013 at tinalo ang mga katunggaling radio station mula sa New Zealand, China, at Iran.

Matatandaang isang linggong itinigil ng DZMM ang re­gular programming nito upang maihatid ang pinakahuling impormasyon sa pananalasa ng Bagyong Yolanda, at upang magbigay ng serbisyo-publiko sa mga biktima nito sa Visayas.

 Nagsanib-puwersa ang anchors at Radyo Patrol reporters ng DZMM upang makalap ang mga pinakahuling pangyayari mula sa Tacloban at iba pang bahagi ng Leyte at Samar na labis na naapektuhan ng naturang bagyo sa kabila ng panganib at kahirapan sa komunikasyon.

Naging finalist na rin ang DZMM sa naturang kategorya ng ABU Prizes sa nakalipas na dalawang taon. Huli naman itong nagwagi noong 2007 sa kategoryang Radio News para sa Radyo Patrol Balita Alas-Onse Y Media(ngayo’y Radyo Patrol Alas Dose) para sa coverage nito ng pana­nalasa ng Bagyong Reming sa Bicol.

 

Show comments