Kailangan ng anger management... Magandang young actress na produkto ng showbiz family grabe kung magalit at magwala

Kung kanino nagmana ng katapangan ang isang young actress ay pinagtatalunan pa ng marami nga­yon. Nang magsabog daw kasi ng tapang at lakas ng loob ang langit ay hindi lang basta gising na gising ang batang aktres kundi nagtanggal pa ng bubong ng kanilang bahay kaya sangkatutak ang kanyang nasalo.

Para siyang iniidolo ng kanyang mga kapwa young stars, ang mga hindi nga naman kayang gawin ng mga ito ay buong ningning na nalampasan ng young actress. Siguradong pati ang isang young singer-actress na sobra-sobra kung paghigpitan ng kanyang mga magulang ay Spell I (read: inggit) rin sa batang aktres na ito.

Kuwento ng aming source, “Matigas din ang ulo ng mommy niya, pero hindi ganyan! May takot din ang mommy niya, samantalang ang batang ito, parang wala na siyang kinatatakutan!

“Hindi siya kaya ng karelasyon niya, lalaki ang umiiyak at sumusuko sa katapangan niya. Parang nilalaro lang niya ang pakikipagrelasyon, wala siyang pakialam sa mundo!” kuwento ng aming impormante.

Nu’ng minsang mag-away sila ng kanyang boyfriend ay todo ang pag-aalala ng lalaki. Biglang nawala ang girl. Hanap ito nang hanap pero wala talaga siya.

Maya-maya ay may natanggap na text ang batang aktor niyang karelasyon, “Don’t look for me, you’ll get tired lang. I’m in a friend’s house.”

Nawindang ang young actor dahil nasa delikado siyang sitwasyon. Masama sa kanya ang ma-stress at mapagod nang todo, nag-aalala rin ang lalaki dahil nag-taxi lang siya, paano nga naman kung may nangyaring hindi maganda?

“Kahit nu’ng mag-away sila ng isa pa niyang boyfriend. Lumayas siya sa bahay ng guy, naglakad siya nang malayung-malayo palabas ng subdivision. Ganu’n siya katapang, wala siyang pakialam kung mapaano man siya habang nasa height siya ng galit niya.

“Dapat siyang mag-undergo ng stress and anger management. Sumusobra na ang tapang niya, e, ang bata-bata pa niya,” paalala pa ng aming source.

Maganda pa naman ang young actress, lapitin siya ng disgrasya, panglalaki ang dinadala niyang pangalan at produkto siya ng isang showbiz family.

Ubos!

BB pumayag makipaglaplapan kay Alice

Kitang-kita namin ang respetong ibinibigay ni Robin Padilla sa totoo namang nakawiwindang na paglalantad ni Rustom Padilla (patay na ito ngayon) sa tunay nitong kasarian.

Tanggap na tanggap na ni Robin ang kanyang kapatid bilang si BB Gandanghari. Malaki ang partisipasyon ni Mariel Rodriguez sa pagbubukas ng puso at isip ng action star para unawain ang sitwasyon ng kanyang utol.

At malaking-malaki rin ang tulong na nagawa ng pangangaral ni Mommy Eva Carino Padilla sa kanyang mga anak. Laging ang kanilang ina ang namamagitan sa kanilang mga hindi pagkakaunawaan. Si Mommy Eva ang umaayos, si Mommy Eva ang nagbibigay ng panahon, matindi ang respeto nilang magkakapatid sa kanilang ina.

“Aysus, matatanda na kami, pero pinadadapa pa rin kami ni mama para paluin kapag may nagagawa kaming mali. Kumbinasyon ng tatay at nanay ang disiplina niya sa amin dahil wala na nga si papa,” natatawang pag-aalala ni Binoe.

Pinaghahandaan na nilang magkakapatid ang isang sitcom, 2 1/2 Daddies ang titulo nito, pagbibidahan nina Rommel Padilla, BB Gandanghari, at Robin.

“Riot ito, nabasa ko na ang script. Nagkakasama-sama na kami sa pelikula, pero sa TV, first time namin ito! Ibang-ibang BB Gandanghari ang mapapanood nila dito!” komento ni Robin.

“May kissing scene sila dito ni Alice Dixson. Playboy siya sa sitcom!” sundot na naman ni Binoe.

Natagalan lang, pero mas nanaig pa rin kay Robin ang dugo, ngayon ay tanggap na tanggap na niya ang buong pagkatao ng kanyang kapatid.

Show comments