MANILA, Philippines - Sa linggong ito, saktong sampung taon nang umeere ang Kapuso Mo, Jessica Soho. Ang naturang okasyon, nagkataong kasabay rin ng unang anibersaryo nang paghagupit ng bagyong Yolanda. Kaya para maging mas makabuluhan ang selebrasyon, bumuo ang produksyon ng isang KMJS truck na maghahatid ng kasiyahan at inspirasyon sa mga Yolanda survivors.
Magbebenta si Ms. Jessica Soho ng special tapa at longanisa recipe ng kanilang pamilya, upang makalikom ng donasyon para sa mga biktima ng delubyo. Ang tutulong sa proyektong ito, walang iba kundi ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.
Magbabalik-bayan naman si Tom Rodríguez sa kanilang bayan sa Samar para kumustahin ang kanyang mga kamag-anak at kababayan. Ngayon lang uli makakauwi rito si Tom pagkatapos manalasa ang bagyo.
Isa rin sa mga malalang binayo ng bagyong Yolanda ang Cebu. Makisakay sa biyahe ng nagbabalik Kapuso na si Iya Villania sa Queen City of the South para itampok ang bumabangon nitong turismo. Makikihataw rin siya kasama ang Cebu Dancing Inmates!
Gamit ang KMJS truck, sari-saring sorpresa ang inihanda para sa mga taga-Leyte. Ang mga basketball superstars sa pangunguna ni Alvin Patrimonio ay may mga handog na regalo para sa mga Waray!
Haharanahin naman ni Christian Bautista ang mga taga-Tacloban sa isang special mini-concert kasama ang mga online sensation na sina Zendee Tenerefe at Aldrich Talonding.
Samahan ang multi-awarded broadcast journalist na si Jessica Soho na ipagdiwang ang isang dekada ng aging trending at most awarded news magazine show sa Pilipinas --- KMJS10 Kapuso Mo, Jessica Soho 10th Anniversary Special ngayong Linggo na 7:30pm sa GMA7.