Pagbabalik ng The Voice... palung-palo ang rating

MANILA, Philippines - Humirit na naman ang mga programa ng ABS-CBN noong Oktubre sa buong bansa matapos pumalo ang average total day audience share nito sa 44%, o siyam na puntos ang lamang sa 35% ng GMA  base sa datos ng Kantar Media.

Napagtibay ng Kapamilya network ang panalo nito sa primetime block (6 p.m.-12 m.n.) sa average national audience share na 49%.

Hindi rin natibag ang Primetime Bida ng ABS-CBN sa iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular na sa Balance Luzon (mga lugar sa Luzon na nasa labas ng Mega Manila), kung saan may average audience share itong 54%, sa Visayas na may 61%, at sa Mindanao na may 60%. 

Kabilang sa mga programang namayagpag ang Ikaw Lamang na numero uno sa listahan ng pinakapinanood na programa sa bansa noong Oktubre dahil sa average national TV ra­ting nitong 29.7%. Wagi rin ang final episode nito noong Oktubre 21 na pumalo sa national TV rating na 34.1%. Kinapitan din ang pagwawakas ng Sana Bukas Pa Ang Kahapon noong Oktubre 10 sa national TV rating na 27.3%.

Hindi rin natitinag ang Two Wives simula nang mag-umpisa ito noong unang linggo ng Oktubre. Napukaw din agad ng Forever­more ang puso ng mga manonood noong Oktubre 27 sa national TV rating na 27.1%.

Pasabog ang pagbabalik ng The Voice of the Philippines noong Oktubre 26 matapos itong magtala ng national TV rating na 28.3%. Ang singing rea­lity show din ang pangalawa, kasama ang  Hawak Kamay (28.3%), sa listahan ng pinakapinanood na programa noong Oktubre.

Sa kabuuan ay labing-isang pwesto ang nasungkit sa ABS-CBN sa top 15 na programa sa buong bansa sa naturang buwan. Ang iba pang Kapamil­ya shows sa listahan ay ang TV Patrol (28.2%),  Wansapanataym (27.4%), Home Sweetie Home  (26.7%), Forevermore (26.6%), Maalaala Mo Kaya (25.9%),  Pure Love (23.6%), Mga Kwento ni Marc Logan (23.6%),  Rated K (23.6%), Sana Bukas Pa Ang Kahapon (22.9%), Goin’ Bulilit (22.1%), at Two Wives (20%).

Show comments