Pinoproblema ng kanyang network at mga katrabaho ang isang TV-movie personality na sa kanilang paglalarawan ay tumodo na ang sobrang paniniwala sa kanyang sarili.
Ayon sa aming source na taga-network mismo, ay wala nang ginawa ang kontratadong artista ng istasyon kundi ang magreklamo, bumuntong-hininga, maghanap ng kung anu-ano na bahagi na lang ng kanyang kapritso.
Kung tutuusin ay hindi na pinagtatakahan ng marami ang pinalulutang na kaangasan ng TV-movie personality na ito. Kahit naman kasi nu’ng ordinaryo pa lang siyang nagkokomedya sa mga bar ay kakambal na niya ang kayabangan.
Maraming kasamahan niya ang umiiwas sa kanya, may ugali siyang ayaw magpasapaw, kapag nararamdaman na niyang may dating ang isang stand-up comedian ay agad na niyang lalait-laitin ‘yun para masira ang diskarte.
Pinalad na sumikat ang personalidad na ito. Nalampasan pa niya ang inabot ng kanyang mga kasamahan na dati’y kinaiinggitan niya, pero sa pagkakaroon niya ng magagandang oportunidad ay sumobra naman ang paniniwala niya sa kanyang sarili, ramdam na ramdam ‘yun ng kanyang staff.
“OA na ang kaangasan niya. kumuha pa siya ng staff kung siya rin naman pala ang kailangang masunod sa lahat-lahat? Siya na ang host, siya pa ang scriptwriter, siya pa ang talent coordinator?
“Ano ‘yun? ‘Di magtayo na lang siya ng sarili niyang network para lahat ng gusto niya, e, masunod? Tapos, kapag nakokontra siya, e, babanatan niya ‘yun ng pagod na pagod na siya, gusto na niyang magpahinga at kung anu-ano pang kaek-ekan?” inis na kuwento ng isang source.
Balik-reaksiyon ng impormante, “Hindi ‘yun maganda sa panlasa. Wala nang magandang nakikita ang mga kasamahan niya ngayon sa kanya. Hindi na kagandahan ang mga pinaggagagawa niya.”
Ubos!
Robin ibang klase ang karisma, pinagkakaguluhan kahit saan pumunta
Ibang klase talaga ang karisma ni Robin Padilla. Ang kanyang presensiya ay kakaiba sa iba, talagang kumakagat sa ating mga kababayan, sa ilang segundo lang ay kaya niyang lumikha ng trapik dahil sa pagkakagulo ng kanyang mga tagasuporta.
Mga abalang kalye ang Pioneer at Sheridan sa Mandaluyong kung saan nakatayo ang malaking gusali ng TV5. Mula sa labas ay nakikita ang mga kilalang personalidad sa may lobby ng building.
Nakipagmiting nu’n si Robin para sa gagawin nilang sitcom ng kanyang mga kapatid na sina BB Gandanghari at Rommel Padilla. 2 ½ Daddies ang titulo ng sitcom na anumang oras ngayon ay sisimulan na ang taping.
Ulo pa lang ni Robin ang nakikita ng mga motorista at mananakay sa labas ay nagkagulo na ang mga kababayan natin, isang mahabang trapik agad ang sumunod, wala kasing may gustong umusad na sasakyan dahil nandu’n nga ang idolo nilang si Binoe.
Puwedeng guwapo ang ibang artista, pero ang nireregaluhan ng karisma ay iilan lang, at masuwereng nakasambot ng katangiang ‘yun si Robin na kayang-kayang pahintuin sandali ang ikot ng mundo ng ating mga kababayan kapag nakikita siya.
Kahit sa TV5-Novaliches ay ganu’n din ang senaryo, mahal na mahal siya ng kanyang mga katrabaho, ang tuksuhan nga ay mananalo nang milya-milya si Robin kapag nagkaisip siyang tumakbo sa pulitika sa mga oras na ito.
Masuwerte si Mariel Rodriguez sa pagkakaroon ng asawang mahal na mahal ng ating mga kababayan. Ipinagmamalaki ni Mariel ang kanyang mister, wala nga namang kayabang-yabang ang napili nitong pakasalan, mas madaling mahalin ang isang taong alam mo at nakikita mong mahal din ng taumbayan.