Lovi hindi na nagpapa-make up!

Gandang-ganda ang mga reporter kay Lovi Poe sa simple, pero maganda nitong ayos nang interbyuhin para sa Cinema One Originals movie nila ni Rocco Nacino na Soap Opera. Parang hindi na nito kaila­ngang mag-make-up para maging maganda.

Nalaman namin sa Instagram (IG) ni Lovi na siya lang ang nag-ayos sa kanyang sarili dahil wala siyang make-up artist at hairstylist. Ang ginawa niya, pinusod ang buhok, naglagay ng red lipstick at tapos na. Idag­dag na rin natin ang high heels na isinuot at white dress na malalim ang backless.

First movie together nina Lovi at Rocco ang Soap Opera at comfortable ­siyang ginawa ito dahil ang nobyo ang kasama. Kahit malayo ang location, okey sa kanilang dalawa, at least, nakapag-bonding sila.

Excited sila ni Rocco dahil noon pa nila gustong ma­ka­trabaho si director Reton Siega Zuasola. Naririnig niyang nagre-rave ang manager niyang si Leo Dominguez sa director sa nauna nitong ginawang peli­kula. Idagdag pa na ibang klaseng story ang Soap Opera at makaka-relate ang mahilig manood ng soap opera sa TV.

Sa November 10, sa Cinema 1 sa Trinoma ang gala premiere ng Soap Ope­ra, mayroon itong 11 screenings sa buong festival na tatakbo mula Nov. 10-18.

Tapos na ring gawin ni Lovi ang Flight 666 episode ng Shake, Rattle & Roll XV na entry ng Regal Entertainment sa Metro Manila Film Festival (MMFF). Ang sarap daw gawin ng episode nila dahil sa eroplano lang ang kanilang location.

Nakadagdag ang panliligaw ni Paulo kaY Miss Earth, KC doble ang nararamdamang sakit

Kahit wala pang relasyon sina Paulo Avelino at KC Concepcion, couple na ang turing sa kanila ng kanilang fans. Kay Paulo ipinaabot ng ilang fans ang pakikiramay kay KC sa pagkamatay ng lola nitong si Mrs. Elaine Gamboa-Cuneta.

May nagpapayo pa kay Paulo na dapat nasa tabi siya ni KC dahil ngayon siya kailangan nito. Huwag daw dadagdagan ng aktor ang sakit na nararamdaman ng dalaga ngayon dahil nasasaktan ito sa pagkawala ng kanyang lola.

Tila may kinalaman ang payo kay Paulo na ‘wag dagdagan ang sakit ng dibdib ni KC sa pagkaka-link niya kay Miss Earth at Miss Venezuela na si Alyz Henrich. Ibinuking kasi ni Miss Earth na nagti-text sa kanya si Paulo at nagulo na ang Paulo-KC fans.

Hindi alam ng manager ni Paulo na si Leo Dominguez ang isyu ng aktor at sa fans nila ni KC sa beauty queen. Ang alam niya, okey ang dalawa at pareho pa nga ng make-up artist. Saka, magka-pareha sina Paulo at KC sa Exchange Gift episode ng Christmas Special ng ABS-CBN na Give Love on Christmas. Sila ang tampok sa third episode sa direction ni Manny Palo.

 

Show comments