Noong November 3 ay nagdiwang ng kanyang ika-animnapu’t isang kaarawan si Governor Vilma Santos-Recto. Isang simpleng selebrasyon lamang ang idinaos ni Ate Vi sa kapitolyo ng Batangas kasama ang pamilya at mga kaibigan.
Samantala, ngayon ay mayroong karamdaman ang aktres dahil nagkaroon daw ito ng impeksyon sa ilong. “After ng ulcers ko, ito namang ilong ang na-infect sa akin. Nangyari na ito sa London eh. Nilagyan ko ng steroids ang ilong ko kaya lalong lumala. Para tuloy akong si Rudolph the red nose reinder,” natatawang pahayag ni Governor Vilma. “But getting fine na, bawal nga lang lagyan ng makeup,” dagdag niya.
Posibleng stress daw ang naging dahilan kung bakit nagiging masakitin si Ate Vi nitong mga huling linggo. “I guess dahil na rin sa stress ito. Hindi naman maiiwasang ma-stress sa trabaho ‘di ba? Normal lang naman ‘yon kaya nagpahinga ako sandali,” kwento ng aktres.
May ilang mga trabaho din bilang artista ang nakansela upang makapagpahinga si Ate Vi kaya humingi rin siya ng paumanhin sa mga kasamahan sa industriya at sa mga tagahangang sabik na sabik na siyang makita. “Kailangan ng pahinga eh, gano’n talaga. Pero kapag okay na talaga ako, magagawa ko na rin naman ulit lahat. I guess bumaba rin ang immune system ko. Kaya sabi ko nga, pahinga lang ang kailangan. Just tell my friends na pasensiya na muna but in due time, makakasama rin nila ako,” pagtatapos ng aktres.
Diamond jewelry set daw ang iniregalo ng anak na si Luis Manzano kay Ate Vi.
KC at Paulo may regalo sa pasko
Muling magkakatambal sa isang proyekto ang napababalitang nagkakamabutihan na raw na sina KC Concepcion at Paulo Avelino. Matatandaang unang nagkasama ang dalawa sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya tatlong taon na ang nakararaan. Ngayon ay magbibida sina KC at Paulo sa Give Love on Christmas Presents: Exchange Gift na mapapanood sa Kapamilya network ngayong Kapaskuhan. “Sa mga supporters namin na na-surprise rin kaming nandiyan talagang sumusuporta sa amin ni Pau. Thank you for your love at ito ang aming gift para sa inyo,” nakangiting pahayag ni KC. “Parang ito ‘yung pang thank you namin sa mga sumusuporta sa amin na hindi naman namin talagang ini-expect dahil wala kaming project together para magkaroon ng supporters. Napakalaking bagay na nandiyan sila and it’s our gift pang thank you sa kanila this Christmas,” dagdag ng dalaga.
Hindi na raw nagdalawang isip sina KC at Paulo na tanggapin ang nasabing proyekto nang ialok ito sa kanila. “It’s work, trabaho naman. It’s a nice project, meaningful at may matututunan,” maikling pahayag ni Paulo. Reports from JAMES C. CANTOS