Mas natawa kami sa Moron 5.2 The Transformation at tama ang nabanggit ni director Wenn Deramas sa presscon ng Viva Films movie na mas nakakatawa, mas solid, at mas buo ang kuwento ng part two na showing na simula ngayon.
Pinaglaruan nina Marvin Agustin, Billy Crawford, DJ Durano, at Luis Manzano si Matteo Guidicelli na in fairness, nakasabay sa kalokohan ng mga kasama. Aliw ang love story ng karakter ni Matteo at sorry sa fans nila ni Sarah Geronimo, pero hindi ang GF ang love interest dito ni Matteo kundi si Joy Viado bilang si Sarah Joy.
Tama rin ang sinabi ni direk Wenn na mahusay na aktor si Marvin dahil muling ipinakitang hindi lang sa drama siya magaling kundi pati sa comedy.
Naalala namin sa presscon, ang bukol ni Luis ang pinag-usapan at tinanong ng press, pero sa movie, ibang cast ang napansin ng kasabay naming nanood sa premiere night na nag-standout sa eksenang naka-super heroes costume sila. Na-dislodge si Luis sa area na ‘yun.
For good laugh at pampawala ng stress, manood kayo ng Moron 5.2 at feeling namin, magkakaroon ito ng part three dahil nakulong na naman si Becky Pamintuan (John “Sweet” Lapus.)
Janine at Julie Anne tuloy ang ‘away’
Sina Julie Anne San Jose at Janine Gutierrez ang kawawa sa bangayan ng kanilang fans dahil kay Elmo Magalona. Hindi deserving ang dalawang dalaga na ma-bash at sa kaso ni Janine, tawaging “ahas” at “mang-aagaw” dahil na-in love sa kanya si Elmo at iniwan ang loveteam nila ni Julie Anne.
Hindi bagay kay Janine ang mga itinatawag sa kanya ng ilang JuliElmo fans at unfair din kay Julie Anne na akusahang naghahabol kay Elmo dahil parehong hindi nila ginawa ni Janine ang mga ibinibintang sa kanila.
Kahit nagsalita na si Elmo sa presscon ng More Than Words na hindi siya inagaw ni Janine kay Julie Anne dahil wala silang naging relasyon ng huli kundi magka-loveteam lang, ayaw pa rin paawat ng ilang fans nila ni Julie Anne. Kaso, gumaganti ang fans ni Janine, kaya ang dalawang grupo ng fans ang nag-aaway.
Samantala, si Abra pala ang sinasabing ka-loveteam ni Julie Anne, pero sa Kubot: The Aswang Chronicles lang yata ito. May important role sila sa Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na bida at nag-collaborate pa sa isang kanta.