PWD at anak ng senador, susubukang makalusot sa The Voice

MANILA, Philippines - Hindi lang galing sa pagkanta ang dumadaloy sa dugo ng mga Pinoy kundi pati na rin ang pagiging palaban at pagiging positibo ng pananaw sa buhay. At para patunayan ito, sasabak sa blind auditions ng  The Voice of the Philippines ngayong Linggo (Nov 2) ang isang taong may kapansanan para ipakitang walang makakahadlang sa kanyang pangarap.

Sa isa na namang yugto ng blind auditions, susubukan ng nasa­bing person with disability (PWD) na mapaikot ang upuan ng superstar coaches na sina Apl de Ap, Sarah Geronimo, Bamboo, at Lea Salonga. Mapapanood din sa episode ang anak ng isang senador, isang wakeboarder, isang classically trained na singer, at isang hot daddy na piniling iwan ang madilim na nakaraan at magbagong buhay.

Kaabang-abang din ang mga eksena sa audition ng isang balladeer na may matinding crush sa host na si Toni Gonzaga, at tuturuan pa siya ni coach Apl na manligaw sa pamamagitan ng makamandag na pick-up lines.

Huwag palampasin ang pagpapatuloy ng blind auditions sa top-rating at Twitter-trending na  The Voice of the Philippines sa   Linggo (Nobyembre 2), 8:30 PM sa ABS-CBN. 

 

Show comments