MANILA, Philippines - Naniniwala ka ba sa idea ng third eye? Na may mga taong nakakakita at nakakakausap ng mga taong yumao na, o malapit nang yumao?
Sa kuwento ng buhay ni Jessa Monte, normal na ang paranormal. Lumaki siya sa poder ng kanyang lola na laging nakikipag-usap sa mga nilalang na hindi nakikita. At sa bahay ng kanyang lola ay may makikilala si Jessa na isang batang babae... Batang babae na siya lang ang nakakakita at nakakausap, hanggang sa makita rin ito ng lola niya.
Naniniwala ang lola ni Jessa na may third eye ang kanyang apo. Ngunit hindi lang multo ang makikita ng babae. Makikita rin niya ang pagpanaw ng kanyang lola at pagkawasak ng kanyang pamilya. Dahil sa burol ng babaeng nagpalaki sa kanila ng kaniyang kapatid, matutuklasan ni Jessa na may magkaibang mga pamilya pala ang mga magulang nila.
Ito ang magtutulak kay Jessa na huwag nang umasa sa kahit sino pa sa kanyang mga magulang. Siya ang tumayong ama at ina, katuwang ng tiyahin niya, para sa kanyang kapatid. Pumasok siya ng nursing para masigurado ang kanilang magiging kinabukasan.
Subalit hindi siya tatantanan ng kanyang kakayanang makakita ng mga ligaw na kaluluwa.
Matatanggap ba ni Jessa ang kanyang kakayanan na kumausap ng mga taong yumao na? O maglalaban pa ang mga paniniwalang ipinasa sa kaniya ng kaniyang lola, at ang kanyang mga natututunan bilang isang nurse?
Itinatampok si Bela Padilla bilang si Jessa Monte. Kasama rin sina Luz Valdez, Ramon Christopher, Melissa Mendez, Lovely Rivero, Arianne Bautista, at Andrea del Rosario.
Mula sa masusing direksyon ni Michael de Mesa, alamin kung anong buhay ang naghihintay para sa isang nurse na may third eye ngayong Sabado (Nov1) sa Magpakailanman pagkatapos ng Marian sa GMA7.