MANILA, Philippines - Isang pamilyang nagpipilit na muling magsimula sa kanilang bagong tahanan ang malalagay sa bingit ng kamatayan mula sa isang obsessed at mapaghiganting multo.
Ito ang madilim na istorya ng horror-suspense thriller na Halik sa Dilim, ang special TV-movie Halloween presentation ng Kapatid Network na eere sa Huwebes, Oktubre 30, 7:00 p.m. Sa direksyon ni Argel Joseph, tampok sa original film offering na ito ng TV5 sina JC De Vera, Helga Krapf, at Nadine Samonte, kasama sina Dang Cruz, Mariel Ponte, Jace Flores, Gio Alvarez, Cita Astals, at LJ Moreno.
Ang Halik sa Dilim ay tungkol sa isang batang doctor, si Jimuel (JC De Vera), na makikilala ang maganda at mapang-akit na si Mercedes (Helga Krapf) sa isang medical mission. Magkakamaling mahulog ang damdamin ni Jimuel sa pang-aakit ni Mercedes, na isa palang multo na pilit guguluhin ang buhay ng asawa ni Jimuel na si Charlotte (Nadine Samonte) at ng kanilang anak na si Caroline (Mariel Ponte) upang mapasakanya si Jimuel.
Saan hahantong ang mga makatindig-balahibong panggugulo at pagtatangka ni Mercedes sa buhay ng mag-inang Charlotte at Caroline? Maililigtas kaya ni Jimuel ang kanyang mag-ina mula sa nakaambang panganib o habang buhay na lamang syang maaangkin ng multong si Mercedes?
Huwag palagpasin ang exclusive one-time airing ng Halik sa Dilim sa October 30, 7 p.m. sa TV5.