Mayamang beki pinabagsak ang kabuhayan ng hunk actor!

Isang makisig na hunk actor ang itinuturong dahilan ng mga kaibigan at kakilala ng isang mayamang negosyante sa isang probinsiya kung bakit bumagsak ang kanyang kabuhayan.

Dati kasi’y napakalawak ng lupain ng gay businessman, tumingin ka nang malayung-malayo at lahat ng maaabot ng iyong paningin ay pag-aari ng beking negosyante, pero isang araw ay nawindang na lang ang kanyang mga kababayan dahil tunaw na ang kanyang mga ari-arian.

Madalas makita sa kanyang hacienda ang guwapong hunk actor na tisoy na tisoy, kung minsan ay dumarating siya du’n nang siya lang, pero kadalasan ay meron siyang mga kasamang kaibigan.

Kuwento ng aming source, “Kapag dumarating siya sa hacienda, fiesta lang ang peg. Grabe, bumabaha ang pagkain, parang fiesta talaga. At kapag may mga kasama naman siyang kaibigan, nagtutumba pa ng baka ang gay businessman!

“Baka, hindi lechong baboy lang, ha? Talagang pinaghahandaan ng beking negosyante ang pagda­ting ng hunk actor na nagpapaligaya sa kanya.

“At hindi lang basta fiesta ang kapaligiran, mas fiesta kapag paalis na ang tropa, dahil kaban-kabang bigas ang ikinakarga sa mga sasakyan nila!

“Paulit-ulit ‘yun, hanggang sa isang araw, e, i­binebenta na ng gay businessman ang kanyang mga lote, matindi na ang pa­ngangailangan niya,” madiing kuwento ng a­ming source.

Hindi naman naghirap pero malaking kabuha­yan ng beking negos­yante ang nawala nang makipagrelasyon siya sa tisoy na hunk actor. Ang paniniwala ng kanyang mga kamag-anak at trabahador sa hacienda ay ang tisoy na hunk actor ang dahilan ng pagbagsak ng kanyang negosyo dahil palaging nangangailangan ang hunk actor na palagi namang tinutulungan ng gay businessman.

Kahawig ng hunk actor na ito ang isang banyagang aktor pero tunog-boksingero naman ang kanyang apelyido.

Ubos!

Bong at Jinggoy bumagsak ang katawan!

Nasa PNP Custodial Center uli kami nu’ng Linggo nang hapon. Salamat naman at makulimlim ang panahon, hindi gaanong maalinsangan, kani-kanyang grupo ang dalaw nina Senador Jinggoy Estrada at Senador Bong Revilla.

Agad naming napansin ang pagbagsak ng timbang ng magkaibigang senador, lalo na si Senador Bong, na kitang-kita na uli ang magkabilang panga na dati’y lumubog dahil sa kanyang paglusog.

Tuwing hapon pala ay naglalaro sila ng basketball sa katabing-katabing court lang ng kanilang detention cell, nagbubuo ng team sina Senador Jinggoy at Senador Bong, ‘yun ang pinakaehersisyo nila sa araw-araw.

Kumpleto ang mga pamilya ng dalawang senador nu’ng Linggo nang hapon, bumisita rin ang malalapit nilang kaibigan, pinakamasayang araw para sa kanila ang Linggo.

Lunes naman ang pinakamalungkot dahil walang dalaw, silang dalawa lang ang nasa maliit nilang bakuran, mabuti na lang at pinapayagan na silang maglaro ng basketball na hindi lang nakapagpapaalis ng lungkot kundi nakabubuti rin sa kanilang katawan.

Umaasa ang kanilang mga tagasuporta na sa lalong madaling panahon ay makalaya na rin sila. Nagkakabuhul-buhol na ang mga salaysay ng whistle blower, wala namang napatutunayang senaryo na nagsasangkot sa dalawang senador, kaya harinawang magkatotoo ang hiling ng kanilang mga tagasuporta na makita na ang dalawang senador sa buhay na laya.

Show comments